Metro Manila, 3 pang rehiyon naka-‘full alert’ para sa SEA Games

ISINAILALIM ng National Police sa full alert ang mga unit nito sa Metro Manila, Ilocos region, Central Luzon, at Calabarzon bilang bahagi ng seguridad para sa Southeast Asian Games.

Nagsimula ang pinakamataas na estado ng alerto alas-8 ng umaga Lunes at ipatutupad hanggang Disyembre 14, sabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac.

Isinailalim din sa full alert ang mga national support unit gaya ng Highway Patrol Group, Maritime Group, at Special Action Force.

Magpapanatili naman ang iba pang regional police office at national administrative units sa “heightened alert” habang idinaraos ang mga palaro, ani Banac.

Sa ilalim ng full alert, suspendido lahat ng liban at dayoff ng mga pulis para matiyak na sila’y “available” kung kailangang mag-duty.

Kapag heightened alert, kailangang present at handang ma-deploy ang 50 porsiyento ng mga pulis.

Una nang inanunsyo ng PNP na di bababa sa 27,000 pulis ang ikakalat sa mga sports venue at billeting area ng mga manlalaro at iba pang delegado ng SEA Games.

Aabot sa 16,000 pulis ang ikakalat sa Metro Manila, kung saan gaganapin ang nasa 19 palaro ng SEA Games.

Magkakaroon din ng palaro sa iba-ibang bahagi ng Central Luzon at Calabarzon.

Ayon kay Banac, magpapakalat ang HPG ng 175 tauhan, 101 motorsiklo, at 29 patrol car na magsisilbing security convoy ng mga delegado.

Handa ang mga naturang pulis na rumesponde sa mga aksidente sa kalsada, medical emergency, pagkasira ng bus ng mga delegado, at iba pang insidente, aniya.

Magpapakalat naman ang Police Security Protection Group ng 519 tauhan para magsilbing escort ng mga delegado at bantay ng mga sports venues.

Read more...