PINAGSO-SORRY ni ACT Rep. France Castro ang tv at radio anchor na si Raffy Tulfo sa guro na hinarass at binully umano nito.
Ayon kay Castro malinaw ang sinabi ni Tulfo na ang pinakinggan nito ay ang kanyang mga netizens kaya hindi na itutuloy ang pagpapatanggal ng lisensya kay Melita Limjuco.
“Nag-sorry ba sya kay Ma’am Melita? Wala akong narinig. Ang pini-please niya lang yung netizens niya,” ani Castro. “The first thing that he should have done was to say sorry to the teacher and to his netizens for his attitude on the case.”
Ipinahiya umano ni Tulfo sa kanyang programa si Limjuco, guro ng Epifanio Delos Santos Elementary School, na inireklamo ng lola at magulang ng isang estudyante na pinalabas nito dahil sa kakulitan at nabigo na dalhin ang kanyang report card.
Sinabi ni Tulfo na isang paglabag sa child abuse law ang ginawa ng guro. Upang hindi kasuhan pinagbibitiw ito ni Tulfo sa pagtuturo.
“It was really unbecoming for a media practitioner like Mr. Raffy Tulfo to do that,” ani Castro. “He should have referred the matter to DepEd (Department of Education), kung kulang siya sa kaalaman sa procedure at rule of law.”
Iginiit ni Castro na hindi dapat ginagamit ang media sa pamamahiya.
“Ginagamit niya programa niya sa pamamahiya sa teacher,” dagdag pa ni Castro. “We will give our full support to Ma’am Melita. And find justice both for the child and Ma’am Melita.”