NGAYONG Sabado na ang 30th Southeast Asian games pero maiinit pa rin ang mga pagpuna at kritisismo ng mga pulitiko.
Una tayong nag-host ng SEAG noong 1981 sa panahon ng martial law. Pinagawa ang ULTRA sa Pasig ang isang football stadium at indoor arena.
Ikalawang pagkakataon noong 1991 sa panahon ni Tita Cory. Sobrang tipid ng lahat ng 28 sports events at idinaos lang sa Rizal Memorial Coliseum at sa Subic Bay para sa apat na event (triathlon, sailing, canoeing at archery).
Noong 2005 nang huli tayong nag-host ng SEAG sa panahon ni Dating Pres. Gloria Macapagal Arroyo kung saan umabot ng 443 ang events sa 40 sports. Dito, sinubukan ang pagdaraos ng ibang events sa Cebu, Bacolod, Cavite, Laguna at Pampanga.
Ngayon ang ika-apat na hosting ng SEAG ng 11 bansa, at siyempre ang mata ng mundo ay nakatutok sa atin.
Kung susuriin, ang toka ng Pilipinas sa SEAG ay sa 2025 pa, pero noong 2015, umatras ang Brunei Darussalam sa pagdaraos ng 2019 games dahil sa financial and logistical obligations.
Panahon iyon ni PNoy, at nagpahayag ang kanyang appointee na si Philippine Sports Commission Chairman Richard R. Garcia na handa ang Pilipinas maghost ng SEAG ngayong 2019. Marahil sa tingin ng da-ting chairman, mananalo ang kandidato nila ni PNoy sa 2016 kayat inako ang binitiwan ng Brunei kahit ito’y di sigurado.
Ang kaso, si Duterte ang nanalo. At noong 2017, itinalaga niya si Senador Juan Miguel Zubiri na pangunahan ang “Philippine Southeast Asian games Organizing committee (PHISGOC)”.
Ayon kay Zubiri, panahon iyon ng Marawi siege, at nagpasya si Presidente na gamitin ang pondo ng SEAG sa rehabilitasyon .
Pero kinausap siya ni dating Foreign Affairs Secretary at ngayon ay House Speaker Alan Peter Cayetano na nagmungkahing ituloy niya ang SEA games kahit dalawang taon na lang ang preparasyon. Sa bandang huli napunta ang PHISGOC kay Cayetano. Kaya naman, narito na tayo sa sitwasyong limang araw na lang at simula na ng palaro.
Maraming kontrobersya.
Una, ang P55-milyong kaldero na likha ng creative artist na si Fransisco Bobby Manosa. Sabi ni Drilon, napakamahal na kaldero. Sabi naman ni Cayetano mas mahal ang kalderong ginamit ng Singapore. Sa totoo lang, mas mahal pa riyan ang mga bahay ng mga senador at congressman.
Sabi pa ni Drilon, meron daw inutang na P11-bilyon ang BCDA para sa sports facilities sa New Clark city sa Tarlac mula sa Malaysian company MT Capital BERHAD at ito’y babayaran nang hulugan na P2.2 bilyon sa bawat taon sa loob ng limang taon.
Sagot naman ni Cayetano, kaya itong bayaran ng BCDA, ang mahalaga ay nakatayo na ang mga world class sports facilities sa loob lamang ng 18 buwan.
Meron pang mga isyu sa umano’y hindi nababayarang volunteers at iba pa.
Kung susuriin, hindi talaga panahon ngayon ng sisihan at batikusan. Tayo ang host ng higit 9,840 na mga atleta kasama ng kanilang sports officials mula sa 11 karatig bansa. At ang main venues ng pinakamalaking sports events na may pinakamaraming 56 sports ay ang ating Philippine Arena at new Clark city Athletic stadium, kasama ang 23 cities na pagdarausan din ng ibang events.
Malaking trabaho at karangalan ito. Sana huwag munang magsi-raan!
SEA games 2019 dapat suportahan, hindi batikusin
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...