MAS madaling ma-depressed ang mga babae na nagtatrabaho ng mahabang oras, ayon sa isang pag-aaral sa United Kingdom.
At mataas din ang tyansa na ma-depress ng babae at lalaki na nagtatrabaho ng weekend.
Ito ang resulta ng isinagawang pag-aaral ng University College London, Department of Research and Policy at Age UK, at Queen Mary University of London, sa datos ng 11,215 lalaki at 12,188 babae.
Ikinonsidera sa pag-aaral ang edad, marital status, anak, suweldo at kung gaano kakontento sa buhay ang mga lumahok sa pag-aaral.
Ang standard na 35-40 oras ng trabaho kada linggo ang ginamit na batayan.
Lumalabas na ang mga babae na nagtatrabaho ng 55 oras o higit pa kada linggo at nagtatrabaho kapag weekend ay mayroong hindi magandang kondisyon ng kaisipan kumpara sa mga babae na hindi nagtatrabago ng ganito kahaba.
Wala namang epekto sa kaisipan ng mga lalaki kung nagtatrabaho ito ng weekdays.
Pero parehong may epekto sa isip ng babae at lalaki ang pagtatrabaho ng weekends.
Mas madali naman ma-depress ang mga may edad na at naninigarilyo at kumikita ng maliit. Dumaragdag din umano sa pagkakaroon ng depresyon ng mga babae ang pagtatrabaho ng walang bayad sa bahay pagkauwi galing sa trabaho.