Alden mas lutang ang kagwapuhan pag kaswal lang


UMUUSOK na ang mga ilong sa sobrang galit ng mga fans ni Alden Richards kay Martin del Rosario na gumaganap bilang kontrabida ng Pambansang Bae sa seryeng The Gift.

Palibhasa’y magaling na aktor, napag-iinit ni Martin bilang si Jared ang ulo ng mga tagahanga ni Alden na bumibida sa pangalang Sep, maraming nagagalit kay Martin.

Dahil niregaluhan ng pagkakaroon ng mga pangitain sa kanyang pagkabulag si Sep, mahawakan lang niya nang matagal-tagal sa kamay ang isang tao ay gumagana na ang kanyang imahinasyon, nalalaman niya ang nakaraang pangyayari nang malinaw na malinaw.

Gulat na gulat siyempre si Jared kung paano nalalaman ni Sep ang senaryo, samantalang wala naman siya sa pinangyarihan ng krimen, isang bahagi ‘yun ng The Gift na talaga namang nang-iimbita sa ating mga kababayan para tutukan gabi-gabi ang serye.

Sabi ng mga kaibigan namin, “Napakaguwapo pa namang bulag ni Alden! Kung ganyan naman kapogi ang bulag, e, aampunin mo na lang siya!

Mahirap ang role na ginagampanan ni Alden, bukod sa nilalagyan na siya ng contact lens na masakit sa mga mata ay isang direksiyon lang talaga ang kanyang tingin, walang ibang anggulo.

Pero totoo naman kasing napakaguwapo ng aktor, mas lumulutang pa ang kanyang kaguwapuhan kapag binibigyan siya ng extreme close-up ng kanyang direktor, mas hindi nakapormal na kasuotan si Alden Richards at kaswal lang ang kanyang gayak ay may gumuguwapo siyang tingnan.

Read more...