Ai Ai kay Coco bilang direktor: Stressed talaga siya… metikuloso, perfectionist!

COCO MARTIN AT AI AI DELAS ALAS

“STRESSED siya!” ‘Yan ang paglalarawan ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas kay Teleserye King Coco Martin habang ginagawa nila ang pelikulang “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon.”

Ito ang official entry ni Coco sa 2019 Metro Manila Film Festival kung saan makakasama rin nila ang Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado. Siya rin ang director at producer ng movie.

Puring-puri ni Ai Ai ang Kapamilya actor dahil sa sobrang kasipagan ni Coco, imagine, kering-keri nito ang lumagare sa magdamagang taping ng Ang Probinsyano at sa pagiging lead star, producer at director ng “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon.”

“Bukod sa masaya, hyper-hyper yun, e, si Baby Boy (tawa niya kay Coco). Gusto niya mabilis, gusto niya maaga…maaga natatapos para maaga nakakapagpahiga ang mga artista. E, masyadong metikuloso ‘yon, masyadong perfectionist,” pahayag ni Ai Ai nang makachikahan namin kamakailan sa kanyang contract renewal para sa ikalimang taon niya bilang endorser ng Hobe Bihon ng MFC Products.

Paano pa niya ide-describe si Coco bilang director, “Perfectionist ‘yon. Ako, ibinibigay ko yung tiwala ko sa kanya as a director at siyempre, nakikisama ako na kung ano ang gusto niya, yun ang gagawin ko.”

Saludo rin daw siya kay Direk Coco sa pag-atake nito sa kanilang mga eksena, “Bihira lang niya ako i-correct, siguro mga dalawang beses lang. Tini-take two niya lang na, ‘Mommy, mas maganda ‘to,’ sasabihin niya.”

Dito na niya nasabi na kitang-kita kung gaano ka-dedicated at ka-passionate si Coco sa kanyang trabaho, “Stressed. Stressed iyon, pero kinakaya naman niya. Natatawa nga siya sa sarili niya, minsan hindi na niya naaalagaan ang itsura niya sa pelikula. Oily daw siya do’n sa isang part!”

Cool director ba ang aktor o sobrang istrikto? “Ay, oo, cool siya, saka metikuloso kasi nga gusto niya perfect ang shot. Hindi naman demanding, nasa tama lang.”

Sa kuwento ng pelikula, gaganap na magnanay sina AiAi at Coco at super thankful ang Comedy Queen dahil binigyan din siya ni Coco ng mga moments niya sa movie, “Ginawan talaga niya ako ng moment, may moment ako doon. Gusto niya kasing ipakita ang pagiging nanay ko doon sa kanya.

“Natuwa nga ako nu’ng kinuha niya ako, e. Sabi ko, ‘Baby Boy, thank you, kinuha mo ako sa MMFF, excited ako.’ Sabi niya, Thank you, Mommy. Mas thank you kasi nagtiwala ka sa akin,’” dagdag ni Ai Ai.

Dagdag pa niya, “Sa set, maganda yung ano niya, mga food namin, saka maganda rin yung time frame niya. Kunyari five o’clock ang call time namin, five o’clockmay tent na kami, may aircon na kami.

“Totoong five o’clock, hindi yung bola-bolahan lang, na ‘pag five o’clock ang call-time, nandoon lahat, pero walang nakatayong tent. Eto, ‘pag five o’clock sinabi niya, nandu’n lahat, uupo ka na lang, kakain ka na lang,” dagdag pa niya.

Read more...