Lalaking nagpapatay sa misis, anak dakip

ARESTADO ang lalaking nagpapatay diumano sa kanyang asawa’t anak sa Sta. Rosa City, Laguna, noong 2016, nang magsagawa ng operasyon ang pulisya sa Taguig City, nitong Biyernes.

Nadakip si Ricardo Sta. Ana sa Bonifacio Global City dakong alas-5:35, ayon kay Brig. Gen. Vicente Danao, direktor ng Calabarzon regional police.

Isinagawa ng pulisya ang operasyon sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Sta. Rosa City Regional Trial Court Branch 102 para sa dalawang bilang ng parricide.

Nag-ugat ang kaso sa pagpatay sa ginang na si Pearl Helene Sta. Ana at ang halos 2-anyos pa lamang niyang anak na si Denzel sa kanilang bahay sa Brgy. Labas, noong Marso 2, 2016.

Matatandaan na pinalakol hanggang sa mapatay ang dalawa, ng dalawang taong nagpanggap na linemen na maga-upgrade ng kanilang Internet connection.

Ilang araw matapos ang insidente’y sumuko ang isang suspek na si Ramoncito Galo, at nadakip ang ikalawa na si Bryan Avistado noong Marso 20, 2018 sa Cavite.

Itinuro ng dalawa ang isang “Sir Jeff” bilang ang nag-utos ng pagpatay sa asawa nitong si Pearl Helene. Binayaran pa umano sila ng P60,000 kapalit ng pagpatay.

Read more...