Bangka tumaob: 1 patay, 3 nakaligtas

ISANG lalaki ang nasawi at tatlo pa ang nakaligtas nang itaob ng malalaking alon ang sinakyan nilang bangka, sa bahagi ng dagat na sakop ng Burdeos, Quezon.

Natagpuan ang mga labi ni Merlito Flores, 53, casual employee sa lokal na pamahalaan ng Burdeos, Biyernes ng umaga, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Ligtas na nakalangoy patungo sa dalampasigan ang tatlo niyang kasama, kabilang ang municipal agriculture officer na si Ariel Turgo.

Naganap ang insidente Huwebes ng gabi sa bahagi ng dagat na malapit sa Sitio Pakabangon, Brgy. Palasan.

Bago ito, nagtungo sina Turgo, Flores, at iba pa sa Brgy. Calutcot sakay ng bangkang de motor para sunduin ang mga bonsai tree na nakumpiska doon ng Bantay Dagat.

Nang pabalik na sa Brgy. Poblacion ay hinampas ng malalaking alon ang bangka kaya ito tumaob, ayon sa pulisya.

Read more...