JBK nominado sa Most favorite pop boy group ng 2019 PPop Awards; ‘Anestisya’ kontrobersyal

JBK

ANIM na taon na sa music industry sina Joshua Bulot, Bryan del Rosario at Kim Ordonio o mas kilala bilang JBK.

In fairness, slow but sure naman ang naging takbo ng kanilang career at sa loob ng anim na taon nilang pakikipagsapalaran bilang boy band, marami-rami na rin silang bagong experience para sa katuparan ng iba pa nilang mga pangarap.

Nagsimulang umingay ang grupo nang sumali sila sa X Factor UK kung saan pinag-usapan nang bonggang-bongga ang pagwo-walkout ni Nicole Scherzinger, na isa sa mga judge. Gustung-gusto kasi niya ang JBK pero ibang grupo ang piniling winner ng kapwa huradong si Simon Cowell.

“Umiyak kami after the announcement pero hindi na yata ipinakita sa TV. Ang daming nangyari noon, like, yung kanta namin, pangatlong kanta na ‘yun. Nagkaubusan na ng kanta.

“At ibinigay na namin lahat, pero sabi nila…overwhelmed kami dahil first time namin. Hindi namin in-expect yung pressure. Halo-halo na, umiyak din kami sa backstage,” kuwento ni Joshua sa ginanap na mediacon ng grupo kamakailan.

Ayon kay Bryan, nagsimula ang JBK sa pagkanta ng mga covers, “May time pa nga, we even tried a sing-and-dance approach to pattern ourselves after K-pop boy bands. But as time went by, nag-mature rin kami and found our individuality, the music that we really prefer and a better appreciation of OPM and hold our own in the international market.

“Yung experience namin sa X Factor UK made us realize na dapat i-push namin ang paggawa ng mas maraming original songs tulad ng mga inspirasyon namin ngayon like Ben&Ben, IV of Spades, pati yung mga OPM icons like Apo Hiking Society and other successful groups,” dagdag pa ni Bryan.

Sa ngayon, humahataw anang JBK dahil sa recent hit song nilang “Anestisya,” composed by entertainment editor Jojo Panaligan produced by RiderPH Studios. Umabot na sa mahigit 300,000 views ang lyrics video nito sa YouTube habang more then 90,000 views naman sa Facebook.

Bukod dito, nasa Top 5 most requested songs na rin ang “Anestisya” sa halos lahat ng radio stations sa bansa. Nominated din ang JBK sa Most Favorite Pop Boy Group of the Year ng PPop Awards 2019 para sa nasabing kanta.

Samantala, kontrobersyal din ngayon ang “Anestisya” dahil na rin sa lyrics nitong, “Isang tagay na lamang, isang lagok, malulunod din ‘yan.” Ito kasi ang dahilan kung bakit tumanggi ang isang radio station na patugtugin ang kanta.

Ayon sa JBK, may valid reason naman ang nasabing radio station dahil pag-aari ito ng Iglesia Ni Cristo na nagbabawal sa kanilang mga miyembro na manigarilyo at uminom ng alak.

INC member si Kim kaya naiintindihan niya ang desisyon ng nasabing radio station pero ayon sa kanya, pinayagan siyang i-record ang “Anestisya” dahil grupo naman sila.

“Actually, wala naman po problema dahil kinanta namin ang ‘Anestisya’ as a group. Trio naman kami and gumawa rin naman sila ng way para ma-support yung group namin.

“Gumawa sila ng interview lang about the song at inilabas nila sa kanilang news program,” aniya pa.

Aniya pa, tanging ang “Anestisya” lang naman ang ipinagbawal na patugtugin sa INC-owned radio station, “‘Yun lang naman, pero suportado naman nila ang JBK, in fact, nag-guest na kami sa kanila, nag-promote kami pero bawal lang kantahin at patugtugin ‘yung Anestisya.”

Habang humahataw ang “Anestisya”, may tatlo pang original songs na ire-record ang JBK, “Before the year ends, we’re going to record three new songs na sinulat namin. Bukod diyan, may hinahanda kaming regalo sa lahat ng supporters ng JBK na medyo sexy talaga,” sabi pa ni Joshua.

Read more...