UMABOT sa 9,573 katao ang nagsilikas sa Cagayan dahil sa magkasunod na bagyong “Ramon” at “Sarah,” ayon sa mga otoridad.
Sa kabila ng mga pagbaha, landslide, at mlalakas na hanging dulot ng dalawang bagyo, walang naitalang nasawi o nasugatan, sabi ni Rogie Sending, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan.
Naitala ang mga nagsilikas sa mga bayan ng Sta. Ana, Gattaran, Camalaniugan, Allacapan, Gonzaga, Aparri, Sta. Praxedes, Abulug, Pamplona, Lallo, Claveria, Sta. Teresita, Sanchez Mira, Baggao, Lasam, Sto. Nino, at Penablanca.
Noong kasagsagan ng dalawang bagyo, 28 barangay sa Sta. Ana, Lasam, Allacapan, at Rizal ang binaha.
Umabot sa 22 kalsada at tulay sa lalawigan ang di madaanan.
Nawalan din ng kuryente sa mga bayan ng Sta. Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Ballesteros, Sta. Teresita, Abulug at Baggao.