MALUNGKOT na ibinalita ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas na hindi na matutuloy ang plano niyang pagbubuntis sa darating na 2020.
May kinalaman sa kanyang kalusugan ang pagbabago sa plano nila ng asawang si Gerald Sibayan hinggil sa pagkakaroon ng baby. Ayon kay Ai Ai may konek ito sa kanyang “organic lifestyle” na sinimulan niya four years ago.
Sa presscon ng muli niyang pagpirma ng kontrata bilang nag-iisa at natatanging brand ambassador ng Hobe Quick Cook Noodles, ibinalita ng Kapuso TV host-comedienne na baka hindi na siya mabuntis dahil posibleng magkaroon ng problema sa kanyang health pati na rin ang dadalhin niyang sanggol.
“Kasi, di ba, organic na ako for four years now. So ako minsan nai-stress talaga ako, nagkakasakit pero hangga’t maaari hindi ako umiinom ng gamot kasi may negative effect siya sa katawan ko bilang puro organic nga ang tine-take ko.
“Kaya kung mabubuntis ako, tapos organic ang lifestyle, masasanay na yung baby na organic din. So, paano kung magkasakit ako, paano na siya? Possible na maapektuhan din siya, at yun ang nakakatakot, di ba? So, might as well, huwag na muna,” paliwanag ni Ai Ai.
Masaya na malungkot naman daw ang na-feel ng mister niyang si Gerald dahil sa naging desisyon niya. Pero mas mahalaga raw ang kalusugan niya ngayon more than the pregnancy plans.
“Masaya siya na ganu’n, kasi nai-stress din siya kapag naiisip niya na mabubuntis ako, paano raw kapag nanganak na ko, kailangang saksakan ako ng anestisya, e, posibleng mag-react siya sa system ko. Paano raw kung mawala ako, paano na siya, paano na ang mga anak ko, mga ganu’n, natatakot talaga siya,” lahad pa ng komedyana.
Pero sa kabila nito, naniniwala si Ai Ai na may iba pang paraan para matupad ang pangarap niyang magka-baby sila ni Gerald. Pwedeng sa pamamagitan ng surrogacy o in vitro fertilization, “Siguradong may plano si Lord tungkol diyan kaya let’s wait na lang. Basta sa kahit anong paraan basta kaya go!”
Samantala, umabot na sa anim ang endorsements ngayon ni Ai Ai at super thankful siya na sa ikalimang taon ay muli siyang pinapirma ng kontrata ng Hobe Quick Cook Noodles bilang nag-iisang endorser.
Ayon sa may-ari ng brand na si Bobby Co, kahit ang Comedy Queen lang ang ambassador nila, napakalaki ng nagawa nito sa kanilang company. Ang Hobe ay producto ng Marikina Food Corporation at sila ang unang bihon company na nakatanggap ng Halal Accreditation sa Pilipinas.
At kahit mas busy siya ngayon sa kanyang career, naipagluluto pa rin niya si Gerald, kabilang na ang mga paborito nitong pancit canton at carbonara.