Anthony nanghinayang sa talkshow nila ni Kris


HINDI rin alam ng broadcast journalist na si Anthony Taberna kung bakit hindi na itinuloy ng ABS-CBN ang talkshow nila ni Kris Aquino.

Ayon kay Ka Tunying, talagang nanghinayang siya sa nasabing proyekto dahil bukod sa maganda naman ang concept nito, first time rin niyang makakatrabaho ang Queen of Social Media.

“Oo naman, kasama ako sa nanghinayang doon. Nag-shoot na kami ng ilang episode, maganda ang concept and timeslot (iniwang timeslot ng Kris TV).

“Pero siguro lahat ng bagay ay may dahilan. So, nalungkot man ako du’n dahil malaki ang kikitain ko (sabay tawa), itinuturing ko pa ring blessing ‘pa rin ‘yun dahil baka kung natuloy ‘yun baka hindi ko naasikaso ang pamilya ko, ang anak ko,” sabi pa ng Umagang Kay Ganda host.

Sa tanong namin kung ano ang rason na ibinigay ng management kung bakit hindi na umere ang kanilang talkshow na may working title na Kris & Tunying, “Hindi na rin kasi ako nagtanong, pero siguradong may magandang dahilan ang production kung bakit.”

Hanggang ngayon ay may communication pa rin daw sila ni Kris na ninang nila sa kasal ng misis niyang si Rossel Taberna.

q q q

Nakachikahan namin si Ka Tunying sa launching ng Panlasang Makabayan na ginanap sa SM North EDSA branch ng kanilang Ka Tunying’s kung saan nagkaroon ng whole day activities para na rin sa re-branding ng kanilang restaurant.

Naging highlight ng Panlasang Makabayan Day ng Ka Tunying’s ang pagdating ni Department of Tourism Sec. Berna Romulo-Puyat at ilang celebrities na nag-entertain sa mga dumalo sa event.

Ibinalita nina Anthony at Rossel na by next month, magbubukas na rin ang ika-10 branch ng kanilang food business sa Tagaytay at aminado ang mag-asawa na malaki ang naitulong ng Kris TV sa kanilang negosyo.

“Nang i-feature kami ni Kris sa Kris TV natandaan ng mga kababayan natin sa abroad. Pag-uwi nila, pumupunta sila doon para kumain. Kasama na sa itinerary nila,” lahad ni Tunying. Ibig sabihin, parang nagiging tourist destination na ang kanilang resto.

“Kaya ngayon nag-a-apply kami sa DOT para ma-accredit kami na restaurant na pupuntahan ng mga turista, sa mga lugar na may Ka Tunying’s,” aniya pa.

Kung matatandaan, naging maingay ang food business nina Tunying nang pagbabarilin ang una nilang branch sa Visayas Avenue, isang linggo lang matapos itong magbukas. Wala namang nasaktan sa insidente pero napakalaki ng nagastos nila para sa pagpapayos nito.

“Tiningnan ko ‘yun sa isang positibong pananaw. Isang linggo pa lang kaming nagbubukas noon, wala namang intention na manakit. Ang nangyari lang, malaki ang nagastos ko. Nag-follow up naman ako sa mga police kung sino ‘yung mga yun.

“Natapos ang investigation na naka-hang ang resulta. Malabo ang CCTV, eh. Inisip ko na lang na part ‘yun ng enrollment sa negosyo. Ginawa kong positive ‘yun dahil parang nagkaroon ng awareness ang mga tao na meron na palang Ka Tunying’s sa Visayas. Masakit nga lang sa bulsa. Gusto ko sanang may result ang investigation pero wala eh. Nag-retire na nga yung nag-investigate,” aniya pa.

For inquiries, check their all new website at katunyings.ph, Facebook or Instagram pages @katunyingsph or call 8366-1342.

Read more...