LETRAN tinuhog ang ika-7 sunod na panalo

Mga Laro sa Agosto 12
(The Arena)
4 p.m. Arellano vs
St. Benilde
6 p.m. San Sebastian vs San Beda

PINANGATAWANAN ng Letran Knights ang pagiging top team sa 89th NCAA men’s basketball tournament nang kanilang durugin ang Mapua Cardinals, 87-68, sa pagpapatuloy ng aksyon kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Gumawa ng double-double sina Mark Cruz at Raymond Almazan habang ang iba pa nilang kasamahan ay nag-ambag din para isulong ang malinis na karta sa 7-0.

Tumapos si Cruz taglay ang 22 puntos at 10 rebounds bukod pa sa 5 assists at 4 steals para gabayan ang tagumpay. Ang 6-foot-7 na si Almazan ay may 13 puntos at 14 boards habang sina Jonathan Belorio at Mcjour Luib ay naghatid ng 12 at 11 puntos para sa balanseng pag-atake.

Lumayo agad ang Knights sa 25-8 at si Cruz ay mayroong anim na puntos sa unang yugto. Dalawang tres ang pinakawalan ni Jovit Tambeling para bigyan ang Knights ng 28-8 kalamangan bago nakontento sa 47-30 halftime lead matapos ang tres ni Kenneth Ighalo bago natapos ang second period.

Ang tres ni Joseph Eriobu ang nagpababa sa sampu sa kalamangan, 46-56, pero gumanti ng  9-0 bomba ang Knights sa pagtutulungan nina Kevin Racal, Belorio at Almazan upang ibalik sa 19 ang agwat, 65-46.

Magkadikit na tres ni Cruz ang nagbigay ng 21 puntos kalamangan para sa Knights, 82-61, upang tiyakin ang panalo.
Ito ang ikalimang sunod na pagyuko ng Cardinals tungo sa 1-6 baraha at nasayang ang 17 puntos at 10 boards ni Ighalo.

Read more...