Lea Salonga walang kaarte-arte, pinuri ng prod staff
Napakapositibo ng mga kuwentong naririnig namin tungkol kay Lea Salonga. Mismong mga cameramen ng produksiyon na namahala sa recording-taping ng sikat na female singer ang may kani-kanyang papuri kay Lea.
Ginawa nila ang live singing ni Lea para sa SEA Games, ang “We Win As One,” walang kahirap-hirap na natapos ‘yun dahil sa galing at husay makisama ng Pilipina singer na nagsulat ng pangalan ng ating bansa sa mapa ng mundo dahil sa kanyang pagganap bilang bida sa “Miss Saigon.”
Kuwento ng isang anak-anakan naming cameraman, “Napaka-smooth po ng trabaho namin. Wala kasing kaarte-arte si Ms. Lea. Siya mismo ang nagre-request kay Maestro Ryan Cayabyab na ulitin ang part na hindi siya masyadong sure kung nakuha niya talaga ang tono.
“Perfect naman ang mga ginawa niya, pati ang pakikipaglaro niya sa mga camera, e, perfect din, pero siya pa ang nagre-request na ulitin ang pagkanta niya,” kuwento ng cameraman.
Kahit ang glam team ng sikat na singer ay wala ring masabi kay Lea Salonga, sobrang propesyonal daw kasi, ni kaunting kaangasan at kayabangan ay walang bitbit ang pinakasikat na bumida sa “Miss Saigon.”
Mahal na mahal ni Lea Salonga ang kanyang propesyon, kailangang kumuha ng seminar sa kanya ang mga kasamahan niyang singers na kapos sa propesyonalismo, kaya nalalagay ang mga ito sa kontrobersiya.
Pahabol pa ng kausap naming cameraman, “Saka mapagpahalaga po siya sa mga katrabaho niya. Nu’ng matapos na po ang trabaho namin, e, isa-isa niya kaming nilapitan at pinasalamatan.
“Siya pa nga ang nagsasabing makipag-selfie kami sa kanya, napaka-down to earth po talaga ni Ms. Lea, kaya naman hanggang ngayon, e, sikat na sikat pa rin siya,” papuri ng aming anak-anakan.
Mismo!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.