DAAN-daan katao ang pinalikas sa lalawigan ng Cagayan bago ang inaasahang pagtama sa kalupaan ng bagyong “Ramon.”
Kabilang sa mga unang nagsilikas ang 41 pamilya na binubuo ng 133 ktao sa bayan ng Sta. Praxedes at 89 pamilya o 264 katao sa bayan ng Gattaran, sabi ni Rogie Sending, tagapagsalita ng Cagayan provincial government.
Ang mga nagsilikas ay nakikisilong sa mga barangay hall, paaralan, at simbahan, aniya, gamit bilang basehan ang mga ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng dalawang bayan.
Bukod sa mga nagsilikas ay may mga naitala ring stranded na pasahero ng ferry sa Calayan mainland at isla ng Dalupiri, dahil sinuspende ang mga biyaheng dagat.
Inaasahang tatama ang bagyo sa kalupaan ng hilagang Cagayan sa pagitan ng Lunes ng gabi at Martes ng umaga.
Dakong ala-1 ng hapon Lunes, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 140 kilometro silangan-hilagang silangan ng Tuguegarao City, taglay ang hanging may lakas na 85kph malapit sa sentro at bugsong aabot sa 105kph.
Umuusad ang bagyo pa-hilagang kanluran sa bilis na 15kph.
Nakataas ang storm warning signal no. 2 sa Cagayan, hilagang bahagi ng Isabela, Apayao, Kalinga, at Ilocos Norte.
Signal no. 1 naman ang nakataas sa Batanes, Ilocos Sur, Abra, Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union, hilagang Aurora, at ibang bahagi ng Isabela.