DALAWANG batang lalaki, kabilang ang isang nagdiriwang ng kaarawan, ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa Pangasinan nitong Linggo.
Nalunod ang 7-anyos na si Alvin Bautista sa swimming pool ng isang resort sa Brgy. Tebag, bayan ng Mangaldan, dakong alas-3 ng hapon, ayon sa ulat ng Ilocos regional police.
Sadyang nagtungo sa resort ang bata at kanyang pamilya para ipagdiwang ang kanyang ika-7 kaarawan.
Lumabas sa imbestigasyon na mag-isang nagtungo ang bata sa swimming pool na 3 hanggang 4 talampakan ang lalim, at doo’y lumangoy.
Napansin ng isa pang nagsi-swimming na tila walang malay ang bata kaya kumingi ng saklolo sa life guard.
Binigyan ang bata ng cardiopulmonary resuscitation o CPR bago dinala sa sa Rural Health Unit.
Inilipat pa ang bata sa Medical Centrum sa Dagupan City, pero doo’y idineklarang dead on arrival ng doktor.
Kasunod nito, dakong alas-4:25, nalunod ang 9-anyos na si Richard Ferrer nang mahulog sa pond na aabot sa 10 talampakan ang lalim, sa Brgy. Talospatang, Malasiqui.
Sinubukan siyang sagipin ng pinsang si Kenneth Caronan, 14. Lumubog din sa tubig si Kenneth, pero nasagip ng isang residente.
Sadyang nagtungo sa pond ang magpinsan para maghugas ng paa at tsinelas, matapos manguha ng kuhol at suso sa mga kalapit na palayan, ayon sa pulisya.