SA loob nang 37 years ay ngayon lang magsasanib-pwersa ang Film Academy of the Philippines (FAP) at Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa Luna Awards.
Ipinakikita ng FDCP at FAP ang kanilang pangunguna sa pangangalaga ng kakayahan at kahusayan sa industriya ng pelikulang Pilipino. Naiiba ang proseso ng pagboto sa Luna Awards dahil sa peer voting—ang mga nominado sa bawat kategorya ay ibinoboto ng mga propesyonal na galing sa parehong sektor.
Noong Nob. 12, kinilala ng FDCP at FAP ang 16 pelikula bilang nominado sa ika-37 Luna Awards. Nanguna ang “Signal Rock” ni Chito Roño at “Liway” ni Kip Oebanda na parehong may siyam na nominasyon.
Ang mga nominasyong nakamit ng “Signal Rock” ay Best Motion Picture, Best Director para kay Chito Roño, Best Actor para kay Christian Bables, Best Supporting Actor para kay Mon Confiado, Best Supporting Actress para kay Daria Ramirez, Best Screenplay para kay Rodolfo Vera, Best Sound para kina Albert Michael Idioma at Alex Tomboc, Best Production Design para kay Mark Sabas, at Best Cinematography para kay Neil Daza.
Ang siyam na nominasyon ng “Liway” ay sa mga kategoryang Best Motion Picture, Best Director para kay Oebanda, Best Actress para kay Glaiza de Castro, Best Supporting Actor para kay Soliman Cruz, Best Screenplay para kina Oebanda at Zig Dulay, Best Production Design para kay Aped Santos, Best Cinematography para kay Pong Ignacio, Best Musical Score para kay Nhick Ramiro Pacis, at Best Editing para kay Chuck Gutierrez.
Ang iba pang nangunguna sa nominasyob para sa Luna Awards ngayong taon ay ang “Buy Bust” ni Erik Matti at “Goyo: Ang Batang Heneral” ni Jerrold Tarog.
Walo ang nominasyon ng “Buy Bust,” kabilang ang Best Motion Picture, Best Director para kay Matti, at Best Supporting Actor para kay Arjo Atayde.
May walo ring nominasyon ang “Goyo: Ang Batang Heneral,” tulad ng Best Motion Picture, Best Supporting Actor para kay Carlo Aquino, at Best Supporting Actor para kay Epy Quizon.
Magaganap ang 2019 Luna Awards Night sa Nob. 30, sa Maybank Performing Arts Theater sa Bonifacio Global City, Taguig City.