IBINUKING ni direk Roman Perez, Jr. na nagpaligsahan sa pag-arte ang dalawang artista niya sa pelikulang “Adan” – sina Cindy Miranda at Rhen Escaño. Kaya naman hindi siya nahirapan sa mabibigat at maiinit na eksena ng mga ito.
Aniya, “Nu’ng tinanggap ko po ang pelikula, napansin ko lang sa dalawa na maganda ang chemistry nila.
Pero higit sa lahat, si Cindy siyempre Binibining Pilipinas siya, meron siyang competitive mentality na ‘kailangan magaling ako dito.’ Ito namang si Rhen, competitive rin, ‘kailangan magaling din ako dito.’
“Kaya ‘yung scene nila na lagi ko namang ikinukuwento sa kanila na naglalaban sila para sa best actress ng pelikulang ito para sa sarili nilang contest, ganu’n po ang nangyari na napansin ko bilang direktor,” ani Direk.
Ang pagiging competitive nina Cindy at Rhen ang naging motivation nila sa isa’t isa kaya hindi nahirapan si direk Roman lalo na sa kanilang breakdown scenes.
“Naging advantage po sa pelikula, kasi hindi ko naman sila kilala personal kasi galing ako sa TV network,” sabi pa ng direktor.
Reaksyon naman ni Cindy, “I think, it’s a healthy competition kasi marami po tayong nakakatrabaho, ako maraming nakakatrabaho na inis na inis sa akin na wala naman akong ginagawa sa kanila na talagang hate nila ako, marami po talagang ganu’n sa industriya.
“Thankful lang po talaga ako na si Rhen, napakabait na tao. ‘Yung connection po namin talaga, iba kasi puwede namang hindi kami maging okay, di ba? After the scene puwedeng mag-irapan na, may sinasabing nega sa isa’t isa, kaya ‘yung chemistry na sinasabi nila, nakita sa pelikula,” sabi ng beauty queen turned actress.
Sabi naman ni Rhen, “Nakatulong po na walang halong inggit, walang halong sapawan sa aming dalawa kasi kapag nahaluan ng ganu’n sa mga eksenang ginawa namin, hindi namin talaga mapu-pull off.
Kailangan makita ng lahat na mahal na mahal namin ang isa’t isa. It’s a give and take process. Kaya lahat po ng love scenes at kissing scenes namin wala pong tapon.”
At dahil may matitinding love scenes ang dalawa ay inamin nilang tinablan sila at normal naman daw siguro sa dalawang taong nagmamahalan na magkaroon ng ganu’n pakiramdam.
Sa dalawang bidang babae ay si Rhen ang bukas ang isipan na posibleng ma-in love sa kapwa niya babae, “Kasi kapag nagmahal ka, hindi mo iisipin kung anong gender siya, basta’t mahal mo, ipaglalaban mo.”
Anyway, sa Nob. 20 na mapapanood ang “Adan” mula sa Viva Films, Aliun Entertainment at ImagineperSecond Productions.