Nathalie Hart: Hindi po kami hiwalay ng tatay ng anak ko

NATHALIE HART

Balik-showbiz na si Nathalie Hart pagkalipas ng pitong buwang pamamahinga matapos manganak sa kanyang panganay. Balik-Pilipinas na rin siya dahil mas gusto niyang manirahan dito kasama ang kanyang baby.

Nabanggit ni Nathalie na hindi sila hiwalay ng tatay ng anak niya, hiwalay lang ng tirahan dahil nasa India ito at siya ay narito sa bansa. Nagpapadala ng sustentso ang boyfriend niya para sa bata.

In fairness, kahit ilang buwang natengga sa pag-arte si Nathalie ay okay na okay pa rin ang akting niya sa iWant original movie na “Barbara Reimagined” mula sa direksyon ni Benedict Mique.

Sa ginanap na celebrity screening ng digital movie under LoneWolf Films at mula kay Malaya Roxanne Santos sa Trinoma cinema 4 nitong weekend ay napuri ang mga nagsiganap sa pangununa ni Nathalie bilang Barbara, JC de Vera as James, Mariel de Leon, bilang si Karen na kapatid ni Barbara, Xia Vigor as Isabelle na anak nina James at Karen.

Isinabay ang celebrity at press screening sa pagpapalabas nito sa iWant bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-45 anibersaryo ng orihinal na iconic horror film ni Celso ad Castillo na “Patayin Mo Sa Sindak Si Barbara” na pinagbidahan noon ni Susan Roces.

Simula noon, nakilala ang pelikula bilang isa sa mga natatanging horror film ng Pinoy cinema at nagbunga ng iba pang remakes. Gumanap na bilang Barbara si Lorna Tolentino sa “Patayin Sa Sindak Si Barbara” noong 1995 at si Kris Aquino naman sa ABS-CBN teleserye noong 2008.

Read more...