Ala-ala ni FPJ buhay na buhay pa rin

PATUNAY na buhay na buhay pa rin sa puso ng sambayanan at maging ng mga celebrities ang yumaong tinaguriang ‘Da King’ na si Fernando Poe, Jr. matapos namang sunod-sunod na gunitain si FPJ sa nakaraang selebrasyon ng Undas noong Nobyembre 1 at sa kanyang birth anniversary noong Agosto 20.

Nitong nakaraang Undas, bukod sa pamilya ng yumaong King of Philippine movies, pinangunahan ni  Manila Mayor Isko Moreno ang pagkilala sa namayapang aktor nang dalawin ang puntod nito sa Manila North Cemetery.

Pumanaw si FPJ noong Disyembre  14, 2004 sa edad na 65 at makalipas ang halos 15 taon, buhay na buhay pa rin ang iniwang ala-ala ni Da King.

Kasabay nito, ipinagdiwang din ang ika-80 birth anniversary ni FPJ. Ipinanganak si Da King noong Agosto 20, 1939.

Pinangunahan ng ‘Ang Probinsyano’ star na si Coco Martin ang pagbibigay pugay sa tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino.

Pinuri ni Coco si Da King dahil sa patuloy na pagbibigay ng inspirasyon sa mga ordinaryong Pinoy at ang tulong nito para sa lokal na industriya ng pelikulang Pilipino.

Ayon kay Coco, napakalaking pakinabang para sa mga Pinoy at mga kapwa artisa ang mga pelikula  ni FPJ.

“Para sa amin, talagang sobra-sobra ‘yung ginawa at naiambag ni FPJ sa industriya at sa buong Pilipinas,” sabi ni Coco.

Ayon pa kay Coco, kundi kay FPJ wala ang ‘Ang Probinsyano’.

Si FPJ ang orihinal na Dalisay sa ‘Ang Probinsyano’ movie.

Nasa ika-apat na taon na ang TV adaptation ng ‘Ang Probinsyano’ ni Coco.

Nakilala rin siya bilang superhero sa ‘Panday’ movies. 

Ipinanganak bilang Ronald Allan Kelley Poe, tumakbo si FPJ bilang Pangulo noong 2004 presidential elections, bagamat natalo kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nanatiling kuwestyunable sa marami ang resulta ng nasabing halalan.

Read more...