Satisfaction rating ng gov’t bumaba; ‘very good’ pa rin

BUMABA ang satisfaction rating ng Duterte government ayon sa survey ng Social Weather Stations.

Mula sa 73 porsyentong net satisfaction rating (excellent), bumaba ito sa 67 porsyento (very good) sa survey na ginawa mula Setyembre 27-30. Ito ang pinakamababang rating na nakuha ng national government ngayong taon.

Pinakamataas ang nakuhang rating ng gobyerno sa pagtulong sa mga mahihirap na naitala sa 67 porsyento na mas mababa kumpara sa survey noong Hunyo (73 porsyento).

Sumunod naman ang pagbibigay ng impormasyon ng gobyerno para malaman kung ano ang ginagawa nito (54 porsyento) at sinundan ng pagkakaroon ng malinaw na polisiya (53 porsyento).

Naitala naman sa 49 porsyento ang paglaban sa terorismo na sinundan ng pagpapaunlad ng ekonomiya (48), pagbibigay ng proteksyon sa freedom of the press (47), pag-aksyon sa gusto ng tao (44), paglaban sa krimen na bumibiktima sa mga ordinaryong tao (43), pakikipagkasundo sa mga rebeldeng Muslim (40), maayos na pakikipag-ugnayan sa ibang bansa (39), pakikipagkasundo sa mga rebeldeng komunista (38), pagbukas sa korupsyon sa gobyerno (32).

Ang pagrekober sa mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos at kanilang cronies ay nakakuha ng 30 porsyento at sinundan ng pagdepensa sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (30), at pagtiyak na walang pamilyang nagugutom (28).

Ang pinakamababang rating na nakuha ng gobyerno ay limang porsyento, sa paglaban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin (inflation).

Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,800 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 2.3 porsyento. —

Read more...