NASAWI ang isang radio broadcaster nang tambangan ng di pa kilalang salarin sa Dumaguete City, Negros Oriental, Huwebes ng umaga.
Nakilala ang nasawi bilang si Dindo Generoso, residente ng Brgy. Banilad, ayon sa ulat ng Negros Oriental provincial police.
Si Generoso ay host ng isang programa sa dyEM 96.7 Bai Radio, ayon sa National Union of Journlists of the Philippines (NUJP).
Naganap ang insidente sa panulukan ng Hibbard ave. at E.J. Blanco drive sa Brgy. Piapi, dakong alas-7:30.
Minamaneho ng 67-anyos na si Generoso pa-hilaga ang isang Hyundai Elantra (YKU-946) nang siya’y pagbabarilin, ayon sa pulisya.
Patungo siya noon sa istasyon ng radyo para sa kanyang programa, anang NUJP, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa ibang lokal na mamamahayag.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng gunman.
Si Generoso ang ikatlong media practitioner na pinatay sa lalawigan, kasunod ni dyJL FM commentator Gabriel “Kumander Aguila” Alburo, na binaril sa La Libertad noong Disyembre 28, 2018, at dyGB 91.7 FM blocktimer Edmund Sestoso, na binaril sa Dumaguete noong Abril 30 ng parehong taon.