ANIMNAPU’T tatlo katao ang nasagip nang maaksidente ang sinakyan nilang pampasaherong barko sa gitna ng masungit na dagat malapit sa Sibonga, Cebu, Huwebes.
Ang 63 ay binubuo ng 53 pasahero at 10 crew member ng MV Siargao Princess, sabi ni Capt. Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard.
“All of them have been accounted for. No deaths, no missing,” ani Balilo, gamit bilang basehan ang impormasyon mula kay Commo. Ronnie Gavan, commander ng PCG Central Visayas.
Ayon kay Balilo, naglalayag ang MV Siargao Princess mula Bohol patungong Cebu, Huwebes ng umaga, nang salubungin ito ng malalaking alon at pinasok ng tubig.
Umalis ang barko sa Loon, Bohol, dakong alas-9:30 at nasa layong 3 hanggang 5 nautical miles na lang sa Sibonga, Cebu, nang humingi ito ng saklolo sa PCG, aniya.
Agad nagpadala ang PCG ng mga tauhan para magsagawa ng search and rescue operation, gamit ang BRP Suluan, maliliit na bangka, at aluminum boats, ani Balilo.
Nagpalipad ang Armed Forces’ Central Command ng helicopter para tumulong sa paghahanap, habang ang PNP Maritime Group ay nagpadala ng bangka at ipinadala ng private shipping company na Lite Ferry ang isa sa mga barko nitong may sakay na mga tauhan ng PCG.
Limampu’t siyam sa mga sakay ng MV Siargao Princess ay dinala sa Cebu Port lulan ng barko ng PCG, habang apat ang dinala sa dalampasigan ng Carcar City.
Iniimbestigahan na ang insidente, ani Balilo.