DALAWANG tao ang nasawi habang umabot sa 3,520 ang lumikas dahil sa mga pagbaha at landslide na dulot ng matinding pag-ulan sa maraming bahagi ng lalawigan ng Cagayan, ayon sa mga awtoridad.
Pagkalunod ang ikinasawi ni Eljhay Dallego, 10, ng Brgy. Bacsay Mapulapula, Claveria, habang landslide ang ikinasawi ni Augusto Achagan, 36, ng Brgy. Magdalena sa parehong bayan, ayon sa ulat ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Office.
Naganap ang mga pagbaha’t lansdslide matapos ang halos tatlong araw na ng matindng pag-ulan, sabi ni Rogie Sending, tagapagsalita ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon sa PCCDRMO, umabot na sa 2,373 pamilya o 8,185 katao ang naapektuhan ng mga pagbaha sa mga bayan ng Sanchez Mira, Pamplona, Allacapan, Claveria, Baggao, Lasam, Lal-lo, at Camalaniugan.
Nakapagtala ng 854 pamilya o 3,520 kataong nagsilikas sa maga naturang bayan, pati sa Abulug.
Nasa 18 tulay at kalsada, kabilang yaong nag-uugnay sa bayan ng Sta. Praxedes at Pagudpud, Ilocos Norte, ang di madaanan dahil sa mga pagguho ng lupa at baha.
Suspendido ang klase, sa halos lahat ng antas, sa mga bayan ng Allacapan, Aparri, Abulug, Camalaniugan, Lal-lo, Baggao, Lasam, Pamplona, at maging sa Cagayan State University.
Nananatili sa “red alert” ang PCCDRRMO para agad makaresponde sa anumang insidente na maaaring idulot pa ng matinding pag-ulan, na pinaniniwalaang epekto ng bagyong “Quiel” at “tail-end of a cold front.”