MAY mga malilikot ang isip na nakakita ng pagkakataon kung paano pabibilisin ang patak ng metro ng mga taxi.
Sa ipinatutupad na singilan sa taxi ngayon, ang flag down rate o ‘yung bakit pag-upo mo ay P40, ang kada kilometro ay P13.50 at may dagdag na P2 kada minuto ng biyahe.
At nagawan umano ng paraan ng mga nangangalikot para bumilis ang patak ng oras sa timer ng metro. Kung bibilis nga naman ang patak ng oras ay madaragdagan ang kita ng mga tiwaling driver.
Kawawa ang pasahero dito kaya dapat mahuli ang mga “magagaling” na taxi driver na ito.
Paano nga kaya mahuhuli ang mga driver na gumagamit ng ganitong modus?
***
Nang ipalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Resolution 65 para sa calibration and sealing ng mga metro ng taxi cab, mayroong ibang nakapalaman sa kautusan.
Nakasaad doon na dalawang buwan mula sa calibration ng metro, dapat ay lagyan ang mga taxi operator ng CCTV and dashboard camera na may 24-hour continous recording, at Wi-Fi ang kanilang mga taxi. Ito ay bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Noong una dapat ay nakakabit na ang mga devices na ito bago ang calibration pero matapos ang isang meeting ay pumayag ang LTFRB na ikabit ang mga devices pagkatapos.
“…. Taxi operators are, however, directed to execute Undertaking to comply with the installation of the other required gadgets two months from the date of calibration of the said unit,” saad ng Board Resolution 65 series of 2018.
Ang ni-require na lang na maglagay ng mga devices bago ang calibration ay ang mga taxi for dropping o substitution ng unit.
May nakasaad pa roon na parurusahan ang hindi
susunod at ang parusa ay nasa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01.
Siguro papasok ang violation na ito sa “Motor vehicle operating without or with defective/improper/unauthorized accessories, devices, equipment and parts” na ang parusa sa paglabag ay P5,000 multa.
Hindi ko lang alam kung may bagong utos ang LTFRB na nagpapaliban sa paglalagay ng mga devices sa mga taxi.
Marami kasing taxi na wala naman ako nakikitang dashboard camera at CCTV, either hindi sumunod ang mga operator o ipinagpaliban nanaman ang pagpapatupad nito.
Metro ng taxi pabibilisin
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...