BANDERA Editorial
MALINAW sa bolang kristal (hindi tip ng duwende, tulad ng nakakausap noon ni ex-Malabon RTC Judge Floro) na tatagal pa ang kaso ni Andal Ampatuan Jr., sa Quezon City Regional Trial Court.
Kahapon ay pina-inhibit ng depensa si Judge Jocelyn Solis-Reyes dahil wala raw itong alam sa batas at regulasyon ng katibayan. Di umano hinarang ni Reyes ang “leading questions” (sa yugto ng kaso, ito ay mga tanong sa mga testigo ng taga-usig para maalala’t maisip nila ang sasagutin para lalong madiin ang dating alkalde ng Datu Unsay, Maguindanao). Pero, may kapangyarihan si Reyes, at alam din ito ng depensa, na pakinggan ang “leading questions” dahil maaaring (1) doon din siya kumuha ng basehan o impormasyon sa kanyang desisyon sa paggagawad ng piyansa kay Andal; at (2) maaaring pinagtutugma lang niya ang mga kuntil-butil ng mga pangyayari noong Nob. 23, 2009 sa bundok sa Maguindanao.
Ipinasa ni Reyes ang mosyon sa prosekusyon at di tuwirang sinagot ang depensa. Alam ng kahit sinumang abogado na ibabasura ng prosekusyon ang mosyon ng depensa.
Nalito ka ba? Yan ay isa lamang sa santambak na paraan para mabalam at mapahinto muna ang bista. Kung bansaga’y “delay tactics,” yan ang inalis noong meron pang Manila Circuit Criminal Court at Rizal Circuit Criminal Court.
Kaya mabilis ang bista noon ng mga heinous crimes.
BANDERA, 021010