Umpisa na ng bolahan

Lito Bautista, Executive Editor

ANG rally ng mga batang kontra-bola sa labas ng Comelec sa Intramuros, Maynila. AP

O HAYAN, simula na ng kampanya para sa national candidates. Siguro naman, sa tagal ng kanilang mga infomercials ay napag-aralan mo na kung tama nga ang mga ito, o binobola na naman ang mahihirap?  Pinagsasamantalahan na naman ang kakulangan ng kanilang edukasyon (pati na ang mga di nakapag-aral).  Sa dami ng iyong napanood na infomercial, pati ba ikaw ay naakit na ng kahit isa man sa kanila?  O hindi kaakit ang mga infomercials na ito, kaya naman parang may hinahanap ka pa?
Huwag kang mag-alala.  Ang infomercial sa Pinas ay tulad din ng mga patalastas sa US.  Niyayakag at binibilog lang ang ulo ng manonood.  Alam yan ng mismong mga kandidatong tumatakbo ngayon.  Kaya nga sila-sila ay nagsisiraan din.  Kesyo gumagamit ng mga artista.  Pero, lahat naman ay gumagamit ng artista.  Alam mo yan.
Isa lang yan sa mga pangloloko nila.  Lolokohin ka rin na sila’y maka-mahirap; na alam mo namang hindi.  Ipinangangako na nila na gaganda ang buhay kapag sila’y nanalo; na alam mo namang hindi.
Higit na nakatatakot ay isasama pa nila ang ngalan ng Diyos para bitagin ang mga takot sa Diyos.
Sana’y di ka masilo nila.

BANDERA, 020910

Read more...