NASAWI ang isang sundalo nang magpasabog ng improvised na bomba ang mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army sa Quezon, Linggo ng hapon, matapos makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang rebeldeng grupo.
Napatay si Pvt. Kim Veluz, miyembro ng Army 85th Infantry Battalion, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Nagmomotorsiklo si Veluz patungong Lopez proper, nang tamaan ng pagsabog ng IED sa Brgy. Sta. Rosa, dakong alas-4:30.
Hinala ng mga awtoridad, mga miyembro ng NPA na nasa ilalim nina Cecilia Mondia at Hilario De Roxas ang nasa likod ng pagpapasabog.
Naganap ang insidente ilang oras lang matapos makasagupa ng mga miyembro ng Army 1st Infantry Battalion ang isa pang grupo ng mga rebelde sa Brgy. Cagsiay 2, bayan ng Mauban, alas-6:30 ng umaga.
Tumagal nang 15 minuto ang bakbakan, bago umatras ang mga rebelde patungong Sitio Gianzon, Brgy. Abu-Abu.
Walang naiulat na casualty sa sagupaan, habang pansamantalang pinigil ng mga kawal ang residenteng si Rose Marie Macatangay, 18, matapos siyang makita malapit sa encounter site.
Nakatagpo rin ang mga kawal ng tatlong magazine, isang jungle pack, at sirang cellphone na aktibo pa ang SIM card, sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Nagsasagawa ngayon ng pursuit at blocking operation sa mga kalapit na lugar, habang nagtayo ang pulisya ng mga checkpoint.