DALAWANG tao ang nasawi at 15 pa ang nasugatan nang sumalpok ang isang motorsiklo sa pampasaherong jeepney sa Bago City, Negros Occidental, Sabado ng umaga.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng dalawang sakay ng motorsiklo na dead on the spot, at ng kasama nila na malubhang nasugatan, ayon sa ulat ng Western Visayas regional police.
Malubha ring nasugatan ang jeepney driver na si Christopher Pantallon, habang ang 13 niyang pasahero’y nagtamo ng bahagyang pinsala.
Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Purok Gumamela, Brgy. Calumangan, dakong alas-4:30.
Minamaneho noon ni Pantallon ang jeepney (FWG-357) mula hilaga, patungong timog.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na lumipat ang motor sa lane ng jeepney kaya nasalpok ang huli.