“MAHIRAP yung palagi ka na lang mag-isa sa buhay.” Ito ang malalim na hugot ng TV host-comedian na si Willie Revillame patungkol sa kanyang personal na buhay.
Ang basa ng kanyang mga fans and supporters, mukhang seryoso na ang komedyante sa paghahanap ng makakatuwang sa buhay ngayong malapit na siyang maging senior citizen.
Sa isang episode ng kanyang programang Wowowin sa GMA 7, sinabi ni Willie na malungkot din daw ang mag-isa, lalo na kapag unuuwi siya sa bahay na sobrang pagod at stressed galing sa trabaho.
“Alam n’yo sa January (2020) magpi-59 na ako. Matanda na ako. Lagi lang ako nag-iisa kapag umuuwi. Kumakain mag-isa. Naliligo mag-isa. Pagod na after nitong show. Ako lang mag-isa.
“Mahirap naman lagi ka lang mag-isa sa buhay. So, ngayon ho meron kaming bago ditong pakulo. Naghahanap na po ako ng makakasama ko sa buhay,” ang pahayag ni Willie na sinundan ng sigawan at palakpakan mula sa studio audience.
Dugtong pa niya, “Magkakaroon po kami ng segment, ako po makakasama niya sa ‘Wil you date me?'”
Ito nga ang bagong segment ng Wowowie kung saan pipili si Willie ng tipo niyang babae na kanyang ide-date na posible ring maging katuwang na niya sa buhay kung sila’y magki-click at magkakagustuhan.
Open ang search na ito para sa mga babaeng edad 19 to 40, walang anak at certified single at walang sabit. Ito na ang chance n’yo para makasama sa isang intimate date ang Wowowin host.
“Mag-o-audition kayo at kapag pumasa kayo sa audition, susunduin kita sa iyong tahanan,” aniya pa.
Ang ipinagdiinan pa ng komedyante, ang search na ito ay para lang sa mga tunay na babae, ibig sabihin hindi pwede ang mga transgender o retokada.
Ilang taon na ring single si Willie kaya naman hindi natin siua masisisi kung maghanap na talaga siya ng mapapangasawa. Ikinasal siya kay Liz Almoro noong 2005 at nagkaroon ng isang anak – si Juan Emmanuel o Juamee.
Pero naghiwalay din sila at na-annul ang kasal noong 2008. May asawa na ngayon si Liz, ang dating aktor na si Victor Aliwalas.
Naging asawa rin ni Willie ang aktres na si Princess Punzalan pero na-annul dim ang kanilang kasal noong 1997 at hindi rin sila nabiyayaan ng anak. Kasal na ngayon si Princess kay James Field.
Nagkaanak naman si Willie sa kapatid ni Maricel Soriano na si Bec-Bec Soriano, ang aktres na si Meryll Soriano.