LABING-siyam katao ang nasawi at 24 pa ang nasugatan nang mahulog ang trak na may sakay na mga magsasakang nabiktima ng bagyo, sa isang bangin sa Conner, Apayao, Huwebes ng hapon.
Karamihan sa mga sakay ng trak ay mga magsaasakang mula Brgy. Lattut, Rizal, Cagayan, na tumanggap ng mga binhi na ipinamahagi ng gobyerno sa Brgy. Gagabutan, ng naturang bayan, sabi ni Lt. Col. Carolina Lacuata, tagapagsalita ng Cordillera regional police.
“Mga biktima sila ng recent na bagyo kaya binigyan sila ng binhi ng palay,” sabi ni Lacuata sa Bandera.
Labindalawa sa mga nasawi’y mga babae, na nakilala bilang sina Amparo Aberion, 63; Hermilina Dacuycuy, 57; Leticia Patay, 49; Susana Milo, 48; Brenda Talay, 25; Margie Pamittan, Imelda Talay, Pacita Dajucon, Mercy Pataras, Rosemarie Molina, Ludalina Molina, at Aida Batallones.
Pito naman ang lalaki, nakilala bilang sina Claro Mamauag, 71; Conrado Sabatan, 70; Domingo Asperela, 66; Mamerto Milo, 62; Rudy Pagtama, 38; Jason Talay, at Reymundo Sosa.
Sa mga sakay ng trak, si Batallones lang ang taga-Cordillera. Chairman siya ng Sangguniang Kabataan sa Brgy. Allangigan, Conner.
“Nakisakay lang daw siya (Batallones) sa Tuao, Cagayan,” ani Lacuata.
Sampu sa mga sugatan, kabilang ang driver na si Maytofor Ligas Datul, ang nagtamo ng matinding pinsala kaya dinala sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, ayon sa ulat ng Conner Police.
Labing-isa pa ang naka-confine sa Conner District Hospital habang isinusulat ang istoryang ito, habang tatlong pasahero ang may bahagyang pinsala at nilunasan sa San Juan Medical Clinic ng Conner.
‘Short cut’
Naganap ang insidente dakong alas-5, habang dumadaan ang Isuzu Elf truck (RMH-189), na dala ni Datul, sa bulubunduking bahagi ng Sitio Gassud, Brgy. Karikitan.
Ayon kay Lacuata, pauwi na ang mga magsasaka matapos tanggapin ang mga binhi, at nag-“short cut” ang kanilang sasakyan.
“Pabalik na sila nung mangyari ang insidente… shortest route daw ‘yung dadaan sila sa Conner,” aniya.
Lumabas sa imbestigasyon na nabigong mag-menor ng kambyo ang driver habang binabagtas ang paakyat na daan patungong Conner proper.
Kasunod nito’y namatay ang makina ng trak, kaya umatras pababa ang sasakyan at bumulusok sa banging may lalim na aabot sa 15 metro.
Bumagsak ang trak at mga sakay nito sa konkretong istruktura at mga bakal na itinarak sa ilalim ng bangin bilang bahagi itinatayong retaining wall para sa dalisdis.
Unang napaulat na 70 katao ang lulan ng trak, ngunit nakumpirma ng lokal na pulisya na 43 lang ang lahat ng sakay.
Iniuwi na ng mga kaanak ang labi ng mga nasawi, ani Lacuata.