BINISITA namin nitong Miyerkules ang Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX para malaman kung ano ba itong ipinagmamalaki ng Transportation Department na makabagong bus transport system mula at patungong probinsiya.
Siyempre eksakto ang bisita namin dahil ngayong araw ay Undas ay sigurado kaming magkakagulo na naman ang mga kababayan natin sa pag-uwi sa kanilang mga probinsiya.
Sobrang sanay na ako sa madungis, mabaho at disorganized na mga bus terminal tulad ng sa Victory, JAC, Baliwag at iba pa.
At nagulat ako sa itsura ng PITX.
Para siyang airport check-in terminal. May mga check-in windows para sa pagbili ng ticket sa bus, mga boarding gates ng bus na pupunta sa destinasyon mo, upuan at pahingahan, at mga maayos na fast food restaurant.
Mayroon din silang mga palikuran, kasama ang gender neutral toilets, kung saan puwede ka maligo kung kailangan mo.
Sa madaling salita, ang PITX ay isang bus terminal na nagbibigay dangal o dignidad sa pag-commute ng ordinaryong mamamayan. At ang nakakagulat, wala itong terminal fee, talo pa ang mga airports natin.
Ayon kay PITX General Manager Mariano Arroyo, layunin nila na gawing mas madali at komportable ang pagsakay sa pampublikong bus at lagyan ng organisasyon ang pagpasada ng bus patungong mga probinsiya.
Maaari mo kasing dalhin ang kotse mo sa PITX, at iparada ito sa ligtas nilang parking area. P40 per day ang bayad nito.
So kung lilipad ka ng ilang araw sa ibang bansa, maaari mong iparada kotse mo sa PITX at mag-bus papuntang airport. May mga umiikot na bus galing PITX papunta sa ibat-ibang airport terminals, P30 lang ang bayad dito.
Ang nakakatuwa rito, may mga P2P buses na sila patungong Baguio at Bicol kaya pwede mo iparada kotse mo sa PITX at mag-luxury bus ka na lang sa bakasyon mo.
Sana lang ay mapanatiling maayos, mahusay at maganda ang PITX upang gayahin ito ng iba pang mga siyudad sa bansa.
Balita namin ay mayroon nang itinatayong tulad nito sa Bocaue, Bulacan na magseserbisyo naman sa northern part ng Luzon.
Marami pang dapat gawin para sa tinatawag na “dignity of public transportation and commute.”
Pero kung magtatagumpay ang PITX, maaaring nasa tamang landas na ang DOTr sa aspetong ito.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.