ISANG people power ang napipintong maganap sa isang lugar sa lungsod ng Maynila.
Ito ay makaraang magbukas ang isang establisimento roon na ang buong akala nila ay magdadala ng magandang serbisyo para sa mga residente ng Sta. Ana.
Pero imbes na biyaya ay isang malaking problema ang nakikita ng mga residente sa lugar sa pagbubukas ng Manila Arena.
Noong una pa man ay hindi na pabor sa pagtatayo ng sabungan sa kanilang lugar ang mga residente sa Sta. Ana.
Ang lugar kung saan nakatayo ang Manila Arena ay malapit lamang sa Sta. Ana church.
Ilang metro lamang ang layo nito sa Saint Francis School at katabi mismo ng Sta.
Ana Hospital na matatagpuan sa kahabaan ng New Panaderos street.
Sinabi ng mga residente sa lugar na ang buong akala nila ay isang high tech na sports facility ang itinatayo sa kanilang lugar makaraan itong bigyan ng go signal ng nakalipas na city council.
Pero nang maitayo ang nasabing gusali ay isa pala itong high-tech na fully airconditioned na sabungan na pag-aari ng isang kontrobersiyal na sabungero na laman ngayon ng mga balita at intriga sa showbiz.
Noong nakalipas na linggo ay isang derby ang ginanap sa venue kasabay ng opening day nito.
Kaya imbes na ipagyabang ay nanawagan ang mga residente sa lungsod na ipagbawal ang sabungan sa kanilang lugar dahil tiyak na maraming pamilya ang masisira dahil sa malaking pustahan sa nasabing sugal.
Ang Manila Arena ay pag-aari at inooperate ng gambling operator na si Mr. A….as in Atong Ang.