Problemang trapiko sa Rizal

MAY nakapansin lang. Parang mas lalong nakapagpapatrapik ang ginagawang pagpapa-counter flow ng mga traffic enforcer sa bahagi ng Gen. Luna st., Guitnang Bayan.
Kapag nagpa-counter flow, pinahihinto ang mga papuntang Rodriguez, Rizal sa may tapat ng BPI o katabing Metrobank at ipinapagamit ang lane na ito sa mga papunta ng Marikina City.
Kaya ‘yung mga sasakyan na nag-counter flow ay kailangang sumiksik pabalik sa right lane pagdating sa tapat ng dalawang bangko kaya nagmimistulang bottleneck ito. At habang hindi pa nakakabalik sa right lane ang lahat ng nag-counter flow ay hindi muna uusad ang mga Rodriguez-bound kaya naiipon sila.
Madalas, ‘yung mga nakaalis agad sa pila ay nauuna pa sa mga naunang pumila sa trapik. Uunahin silang pasingitin sa right lane para maka-usad na ‘yung mga pa-Montalban.
Buti sana kung ang mga nag-counter flow ay ‘yung mga liliko sa intersection. Kung sila ay liliko, okay lang ‘yun dahil makababawas sila sa pila.
***
Naglipana ang mga kolorum na UV Express na dumaraan sa Gen. Luna street. Marami sa kanila ang mga ruta na nakapintura sa kaha ng kanilang mga sasakyan ay hanggang Rodriguez pero sa San Mateo lang humihinto. Malimit ay iikot sa Plaza sa may Nuestra Senora de Aranzazu na nasa tabi ng munisipyo na binabalutan ngayon ng tarpaulin para magmukhang luma o kaya ay papasok sa isang carwash na may katabing bakery kaya nagmumukha nang terminal ang lugar dahil sa dami ng UV Express na naghihintay ng pasahero.
Meron din na sa halip na sa Marikina dumaan galing sa Cubao, Quezon City, sila ay dumaraan sa Batasan Hills.
Yung iba naman sa Litex Road dumaraan. Mas okay ito kung tutuusin kasi hindi na sila dumaragdag sa trapik sa Gen. Luna. Tutal ang biyahe naman nila talaga ay hanggang Rodriguez. Bakit nga ba hindi maglagay ng biyaheng Cubao-Montalban via Litex? Maaayos na naman ang kalsada dito, mas maayos kumpara dati.
Alam na alam mo rin kapag may operasyon ang Land Transportation Office laban sa mga kolorum sa lugar, andaming pasahero sa kalsada. May timbre daw sila kapag may operasyon.
Ang hirap balansehin ng problemang ito. Kapag nagdagdag ka ng sasakyan lalong magbibigat ang daloy ng trapiko. Kung hindi naman magdaragdag ng bibiyaheng sasakyan patuloy ang paghihirap sa pagsakay.
E kung gawin kayang one way ‘yung Daang Bakal at iba pang secondary road para may ibang madaanan at hindi puro sa Gen. Luna lang.
At kung padaraanan ang mga secondary road dapat pagbawalan nilang magparada ang mga nakatira sa lugar sa kalsada na pera ng bayan ang ginastos sa pagpapagawa.

Read more...