GAME na game si Darren Espanto sa possible collaboration nila ng tinaguriang Viral King na si Manila Mayor Isko Moreno.
Trending at talagang pinag-usapan ang pagsasayaw ni Yorme sa loob ng Ospital Ng Maynila kasama ang ilang staff to the tune of “Dying Inside” na muling nag-hit sa airwaves matapos i-revive ni Darren.
Kaya sa nakaraang presscon ng all-Filipino music festival na One Music X (1MX) kung saan isa si Darren sa featured artists na magpe-perform, natanong ang binata kung payag ba siyang kumanta ng “Dying Inside” habang humahataw si Mayor Isko?
“Yes, of course naman po. Siguradong exciting yun, yung mag-collab kami sa dance cover ng Dying Inside. Malay n’yo sa 1MX nandu’n siya? Biglang may special participation,” pahayag ni Darren.
Samantala, hindi na nakakagulat kung soldout ang lahat ng ginanap na One Music X fest sa Singapore, United Arab Emirates at Dubai dahil talaga namang pang-worldclass ang lahat ng Pinoy artists nag-perform dito.
At sa kauna-unahan ngang pagkakataon, mapapanood na ang 1MX sa Manila matapos humataw sa iba’t ibang panig ng mundo. Bukod nga kay Darren, makakasama rin dito si KZ Tandingan, ang mga bandang Sandwich, Itchyworms, Agsunta at Mayonnaise. Magaganap ang pasabog at bonggang music event na ito sa Nov. 22 sa Centris Elements sa Quezon City.
Ka-join din siyempre si Yeng Constantino at ang IV of Spades na hindi nakadalo sa ginanap na mediacon.
Dito, napag-usapan kung ano ang sikreto sa matatag na pagsasama ng grupong Itchyworms na kahit nga may solo career na ang vocalist nilang si Jugz Jugueta ay buo pa rin sila.
More than 20 years na pa silang kumakanta pero kahit kailan daw ay hindi pa sila inindiyan ni Jugz sa kanilang mga gigs and special appearances.
“Dumaan na kami sa lahat, lumusong na kami sa baha, sa putik, ngayon pa ba kami magkakahiwa-hiwalay?” ayon sa isang miyembro nila.
***
Isa naman sa dapat abangan ng madlang pipol ay ang live performance ni KZ Tandingan. Siniguro niya na iba naman ang mapapanood sa kanya sa stage kumpara sa mga previous concerts niya.
“Mas nailalabas ko ang topak ko sa stage. Doon ko talaga naibibigay yung hindi ko magawa sa TV o sa mga music video,” pag-amin ni KZ.
In fairness, ang sinasabing topak ng singer sa stage ang talagang pinupuntahan at inaabangan ng oncert-goers, “Masarap sa pakiramdam na naa-appreciate nila ang artistry ko.”
Enjoy din si KZ sa collaborations niya sa iba’t ibang musikero, “Lahat ng artist na nakakasama mo meron kang matututunan.”
Ayon naman sa award-winning composer-record producer ja si Jonathan Manalo, talagang sinadya nila na ngayon pa lang gawin sa Pilipinas ang 1MX.
“Deliberate na gawin ‘yong first dates niya outside the Philippines para magkaroon siya ng image na global,” pahayag ni Jonathan na siya ring Star Music audio content head.
“Very strategic na magsimula muna outside the Philippines and then iuwi natin,” dagdag niya. Umikot na One Music X sa Dubai (2017), Abu Dhabi, UAE (2018), at Singapore (last May).
Plano rin nilang ilibot ang 1MX festival sa iba’t ibang bahagi ng bansa para maipakilala pa sa mas malawak na market ang OPM.
“Vision ng 1MX na magkaroon tayo ng festival na puwede nating i-export saan man sa mundo. Ito ‘yong vision natin na lumaki siya nang lumaki hanggang madala natin ang festival na ito sa iba’t ibang parte ng mundo,” ani Jonathan.
Ang One Music X ay mula sa produksyon ng Star Music sa pakikipagtulungan ng MOR 101.9 For Life, MYX Philippines, One Music PH at The Filipino Channel (TFC).
Tickets cost P899 for VIP and P499 for General Admission. To get your tickets, visit www.ticketnet.com.ph.