NAPAKATAMIS na ngiti lang ang sagot nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa tanong kung may plano na silang dalhin sa next level ang kanilang relasyon.
Nagsimula na kasi silang magsosyo sa negosyo, ang Barbero Blues na pormal ng binuksan sa publiko nitong Sabado sa SM The Block Level 5.
“Ha-hahaha! masaya lang. Kasama namin dito mga magulang namin, mga taong pinagkakatiwalaan namin at siyempre kaming dalawa. At outside of showbiz, e, mayroon pa kaming ibang pinagkakaabalahan,” tumawang sagot ni DJ.
Bakit barber shop ang naisip ng KathNiel sa una nilang negosyo, “Kasi si Kathryn may Kath Nails na ang kina-cater mostly is women, so napag-usapan namin na dahil isa ako sa lalaking masyadong maselan sa pagpapagupit, so barber shop,” pahayag ng aktor.
Ikinuwento naman ni Kath na ang mama Min Bernardo ang nagpayo sa kanya na ito ang magandang negosyong pagsimulan nila.
Bukod kasi sa KathNiel ay kasosyo rin ang magulang nilang sina Mommy Min, kapatid na babae ni Kath, Karla Estrada, ang matagal ng handler ni DJ na si Doc at stylist na si Ton Lao.
Nagustuhan namin ang interior design ng Barbero Blues dahil simple pero rock.
Kuwento ni Kathryn, “Mostly interior siya po (Daniel), actually ito ang itsura ng bahay niya. Ako po mosty lang sa colors pero style niya ito kasi lalaki so siya ‘yan.”
Bagama’t abala sa kani-kanilang career sina Daniel at Kathryn ay sinigurado nilang hands on sila sa kanilang business. Isa raw ito sa sikreto ng matagumpay na negosyo.
Bagama’t maraming pangarap ang magkasintahang Daniel at Kathryn, tulad ng pagbili ng mga properties ay hindi pa ito nangyayari – hanggang pagpaplano pa lang sila.
“As together, wala pa. Sina mama at tita Karla ang nagtuturo sa amin sa mga ganyang bagay. Ang dami naming napag-uusapang business, mga dream namin like vacation house, gusto ko ganito ang itsura, ganu’n ang style pero hanggang usap palang,” pagtatapat ni Kathryn.
Sa 2020 na muling mapapanood sa isang teleserye ang KathNiel, “Next year kasi this year masyado kaming maraming lipad abroad for shows, early next year, doon na tayo magsisimula at magkikita-kita na naman tayo,” sambit ng aktor.
“Teleserye muna kami kasi ako kakatapos ko lang sa movie, so it’s DJ’s turn this time for a movie and wala pa lahat final details and for sure, maraming surprises next year and excited kami,” saad naman ng aktres.
Samantala, tinawag na Box-Office Queen si Kathryn at nagkomento si Daniel ng, “Matagal na niyang hawak ‘yun, ilang beses ba itong kukunan?”
Natawa naman ang aktres sa sinabi ng boyfriend, “Very humble, very thankful and sana marami pang magawang pelikula na mamahalin ng tao kagaya ng pagtatanggap nila sa previous films namin, thank you.”
Anyway, kapag ipina-partner pala sa iba ang KathNiel ay pinag-uusapan muna nila ito nang husto.
“Pinag-uusapan ‘yun, pag-uusapan. Hindi naman ‘yan basta-basta ginagawa, lahat ‘yan pinag-iisipan at lahat naman naaayos dahil sa pag-uusap,” ayon kay Daniel.
Tuloy na ba ang pelikulang pagtatambalan nina DJ at Sarah Geronimo? “Pinag-uusapan pero wala pa talaga tayong official na masasabi ro’n kung tuloy o hindi. Pero soon ‘yan babanggitin na natin ‘yan para may closure na tayo diyan,” saad pa ng binata.
Ayon naman sa isang panayam kay Sarah, excited na siya sa proyektong ito dahil matagal na ring nagre-request ang fans nila ni DJ na magsama sila sa isang movie.
Pero sabi nga ng Popstar Royalty, kailangan talaga ibang-iba ang materyal na ikatutuwa ng mga manonood.