SA gitna ng pananahimik nina Gretchen at Claudine Barretto sa iskandalong kinasasangkutan nila matapos mamatay ang ama, may bagong paandar naman si Marjorie Barretto.
Sa kanyang Instagram account, nag-post si Marjorie ng mga litrato kasama ang anak na si Dani, mga kapatid na sina Mito at Gia, pamangking si Nicole Barretto at ang nanay niyang si Inday Barretto.
Caption ni Marjorie, “There are good days, and there are bad days… yesterday was good. Thank you Lord (heart and praying emojis).”
Ayon sa ilang followers ni Marjorie, parang gusto niyang ipamukha kina Gretchen at Claudine na sa kabila ng rambulan at kontrobersiyang nangyari sa kanilang pamilya, masaya at sama-sama pa rin sila.
Ilang araw nang nananahimik sina Greta at Claudine tungkol sa away ng kanilang pamilya na nagsimulang sumabog nang magkagulo sa burol ng tatay nilang si Miguel Barretto.
Samantala, hindi lang pala sa Pilipinas naging “national issue” ang Barretto scandal dahil naibalita rin ito sa ibang bansa dahil nakasali nga sa “cast” si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung matatandaan, sa harap mismo ng Pangulo naganap ang pag-aaway-away ng magkakapatid na Barretto. Tinangka pa niyang pagbatiin sina Gretchen at Marjorie pero hindi siya nagtagumpay.
Nitong mga nakaraang araw, naibalita sa digital edition ng Hong Kong-based news publication na South China Morning Post ang BFF o ang Barretto Family Feud.
Mababasa sa section nitong This Week In Asia ang headline na “How Gretchen and Marjorie Barretto feud shocked Rodrigo Duterte and transfixed Filipinos.”