HINDI umaasa ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez na mananalong best actress sa Cinema One Originals Festival 2019.
Isa ang pelikula ni Regine sa napiling entry sa taunang filmfest ng Cinema One, ang “Yours Truly, Shirley” na magsisilbing comeback movie niya makalipas ang ilang taon.
“Naku, ano ba yan? Wala naman akong expectations na ganyan,” sagot ni Regine nang matanong sa press launch ng 2019 Cinema 1 Originals kung posible ba siyang mag-uwi ng award sa kanyang pagbabalik-pelikula.
Aminado ang Songbird na wala siyang panglaban sa mga aktres na kasali rin sa ika-15 taon ng Cinema 1 Originals Festivals.
“Kung ihahambing mo naman ang role ko sa role ni Ms. Cherie Gil parang kinanta niya ‘yung ‘What Kind of Fool Am I’ tapos ang kinanta ko ‘Urong Sulong’ ganu’n ang basehan,” paliwanag ni Regine.
Pero aniya, naniniwala siya sa hatid na good vibes ng kanilang pelikula at sana’y marami silang mapasaya sa kuwento nito, “I never considered myself to be an actor, so mahirap ilagay ang sarili ko sa karamihan ng magagaling na artista na andito. I’m really happy to be here.”