NALASON ang Unkabogable Star na si Vice Ganda kaya absent siya sa It’s Showtime kahapon.
Balitang dumanas ng matinding pananakit ng tiyan ang TV host-comedian dahil sa food poisoning.
Sa kanyang Twitter account, nag-post si Vice ng mensahe na ikinabahala ng kanyang social media followers. Dito kinumpirma nga niya na nalason siya sa kanyang kinain.
Tweet ni Vice, “Food poisoned. Severe stomach ache. Help me good Lord!”
Ilang sandali lang ay bumuhos agad “get well soon” at “pagaling ka meme” messages para kay Vice. May ilan pa ngang nagsabi na mag-ingat na siya sa mga kinakain niya dahil madali nang masira ang kanyang tiyan.
Ito nga ang dahilan kung bakit hindi nakapag-report sa Showtime kahapon ang Phenomenal Box-Office Star.
Habang sinusulat namin ang balitang ito, hindi pa nagbibigay ng detalye si Vice kung ano ang nakain niya na naging dahilan ng kanyang pagkalason.
Pero kanina, napanood na uli ang gay icon sa noontime show ng ABS-CBN. Ayon naman sa fans and followers ni Vice dapat daw magpagaling muna nang bonggang-bongga para siguradong nasa kundisyon siya sa “Magpasikat 2019” sa Sabado.
Samantala, nagpasalamat naman si Vice sa lahat ng nag-alala at nagdasal para sa kanyang mabilis na paggaling.
“Thanks so much! I appreciate it!!!!” tweet ni Vice.