NASAWI ang isang ginang nang barilin ng asawang pulis sa Puerto Princesa City, Palawan kaninang umaga.
Namatay rin si Cpl. Raymond Cariaga Cacho, asawa ng biktimang si Karen Cacho, matapos magbaril sa ulo, ayon sa ulat ng Mimaropa regional police.
Naganap ang insidente sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex sa Brgy. Sta. Monica alas-10.
Nanonood si Karen, isang estudyante, ng intramurals ng kanyang paaralan, mula sa bleachers nang dumating ang asawa, ayon sa ulat sa radyo.
Sinabi sa pulisya ng ilang saksi na una nilang nakita si Raymond na nakaupo sa likuran ni Karen bago ito tumayo at biglang pinaputukan ng baril ang kisame.
Matapos ito ay binaril ni Raymond ang misis sa ulo bago nagbaril sa sarili, ayon sa police report.
Sumugod sa pinangyarihan ang mga tauhan ng City Police Station 2 nang marinig ang apat na putok ng baril at natagpuan sina Karen at Raymond na duguan at nakahandusay sa bleachers.
Isa pang estudyante ang napaulat na nasugatan sa insidente at dinala sa ospital.
Natagpuan din ng mga pulis sa crime scene ang PNP-issued caliber-.9mm pistol ni Raymond at apat na basyo.
Sa tala ng pulisya, sinasabing si Raymond ay nakatalaga sa Regional Mobile Battalion 4B at nakatira sa Brgy. San Miguel, habang ang misis niya’y naninirahan sa Brgy. Matahimik.
Naniniwala ang mga imbestigador na nagtalo ang mag-asawa, posibleng dahil sa pagseselos bago ang insidente.