MGA sakit sa puso ang sinasabing pangunahing sakit ngayon ng mga OFW sa Hong Kong at dahilan nang kanilang pagkakaospital.
Ayon kay Welfare Attache’ Marivic Clarin ng Philippine Overseas Labor Office sa Hongkong, sa 188 pasyenteng Pinoy na naka-confine sa mga ospital doon, 42 ang may sakit sa puso.
Ayon kay Clarin, marami rin ang na-stroke at maaaring sanhi ito ng sobrang stress sa trabaho o naiwang pamilya sa Pilipinas.
Puwede ring sanhi ang hindi tamang pagkain o kulang at hindi masustansiyang pagkain na ibinibigay ng kanilang mga employer.
Ang totoo kasi, tipid na tipid din sa pagkain ang ating mga OFW. Hindi sila gumagasta para sa tamang pagkain. Hindi rin sila nagtutungo sa restaurant para kumain at pagbigyan ang kanilang mga sarili kahit paminsan-minsan.
Titipirin ang kanilang pera at ipadadala sa pamilya. At minsan kung anong tipid ng OFW, siya namang gastador ng pamilya rito sa Pilipinas.
Ilan pang sakit ng ating mga OFW sa HK ay cancer, mental disorder, kidney, skin, liver disease at pulmonary.
Sa Health Watch ng Bantay OCW, sinabi ng cardiologist na si Dr. Ernie Baello ng Philippine Heart Center na isang matinding factor ang kulang o sobrang tulog sa pagkakaroon ng heart disease.
Di dapat bababa sa anim at hindi lalagpas sa siyam na oras ang pagtulog ng tao araw-araw dahil magiging sanhi ito ng sakit sa puso.
Napakahalaga ng kalusugan ng ating mga OFW. Walang OFW na masasakitin at pabalik-balik ng ospital ang magtatagal sa abroad. Pauuwiin na lamang siya ng kanyang employer.
Pati mga problema sa isip ay lumalala na rin. Ang matindi at nagtatagal na kalungkutan na nauuwi sa depression ang siyang nagiging dahilan din upang piliin ng ating kabayan na wakasan ang kanilang buhay.
Malaking tulong ang maibibigay ng kapamilya ng ating mga OFW. Huwag ninyo sanang pasakitan pa at bigyan ng kunsumisyon ang inyong mga kaanak na OFW habang nasa abroad.