INABOT ng patong-patong na pagsubok ang isang dating opisyal ng gobyerno na sinasabing nagpayaman noong siya ay nakapwesto sa isang makapangyarihang tanggapan sa pamahalaan.
Bukod kasi sa sangkatutak na mga kaso ng katiwalian ay isa-isa na ring nawala ang ilang mga dating kaibigan na nabigyan niya ng pabor.
Sinabi ng aking cricket na naibenta na rin pala niya ang malaking share sa isang airline company na bumibyahe sa kanilang lalawigan.
Noong una ang buong akala ng kanyang mga kaibigan ay ibinenta na niya ang kanyang bahagi sa kumpanya para maitago ang hindi maipaliwanag ng mga yaman.
‘Yun pala ay kailangan niya ng malaking pera dahil alam niyang mahal ang gagastusin niya sa dami ng kanyang mga kaso.
Inabot rin ng matinding pagsubok ang dating opisyal dahil namatay ang kanyang misis, na ayon sa ilang mga nakapaligid sa kanya ay isang uri ng karma.
Kung sabagay ang pinagdadaanan ngayon ng nasabing opisyal ay siya ring hinanakit na dinaranas ng isa pang dating mataas na lider ng bansa.
Ni hindi raw siya madalaw man lamang ng kanyang mga tauhan kasama na ang bida sa ating kwento ngayong umaga gayung marami rin itong natulungan sa mga nakalipas na panahon lalo na noong ito ay nasa posisyon pa.
Ayon sa ating cricket, kapwa dumaranas ng matinding kalungkutan ang nasabing mga dating opisyal ng pamahalaan.
Noong nakalipas na halalan ay sinubukan pa ng dating miyembro ng Gabinete na balikan ang kanyang dating pwesto sa Kongreso pero siya ay natalo.
Ang dating opisyal ng pamahalaan na dumadaan sa malaking pagsubok dahil sa dami ng mga kaso ng katiwalian ay si Mr. B as in Butcher.