‘Lucid’ nina JM at Alessandra pasok sa 2019 Cinema 1 Originals

JM DE GUZMAN AT ALESSANDRA DE ROSSI

Marami naman ang na-curious sa kuwento ng isa pang Cinema 1 Originals entry na “Lucid” kung saan first time magtatambal sina JM de Guzman at Alessandra de Rossi.

Ibang klase raw ang tema at atake ng “Lucid” kaya talagang na-enjoy nina JM at Alex. First time raw nilang gumawa ng ganitong klaseng role sa movie.

Ang “Lucid” ay tungkol sa mga taong kayang kontrolin ang panaginip na ayon kay JM ay talagang nangyayari sa totoong buhay.

“May mga nagpapraktis po talaga nu’n, eh, lucid dreaming ‘yung nakokontrol nila ‘yung panaginip nila, naaalala nila lahat,” ani JM.

Ayon naman kay Alex, “Ang ‘Lucid’ po ay tungkol sa isang babaeng marunong mag-lucid dreaming, so, sa kanyang daily life, hindi niya nakokontrol ‘yung mga nangyayari sa buhay niya, bored na bored siya sa life niya, ganu’n. Parang empty na siya, ganu’n.

“Pero pagdating sa gabi, pag natulog na siya, ayun, nakokontrol niya lahat at du’n sa isa sa mga dreams niya, mami-meet niya ‘yung karakter ni JM na hindi niya makontrol,” chika pa ng award-winning actress.

Puring-puri naman ni JM ang galing ni Alex sa pelikula kaya sana raw ay makatrabaho niya uli ang aktres, “Kasi, alam kong mahusay siyang aktres and gusto ko pong laging matuto, laging mayroong bago,” aniya pa.

Sa tanong naman kung ano ang mga natutunan niya sa tambalan nila ng dalaga, “Si Alex, parehas kami. Pagdating nu’n, wala namang kahit anong demand, Positive naman kami pareho, para lang kaming nage-experiment.”

Ang “Lucid” ay sa direksyon ni Victor Villanueva na magpi-premiere rin sa Nov. 10 sa Trinoma Cinema.

Narito ang iba pang official entries sa Cinema 1 Originals filmfest: “Metamorphosis” with Gold Aceron, Iana Bernardez, Ivan Padilla, Ricky Davao and Yayo Aguila; “0” starring Jasmine Curtis, Lauren Young and Anna Luna; “Sila Sila” nina Gio Gahoi at Topher Fabregas; “Tayo Muna Habang Hindi Tayo” nina JC Santos at Jane Oineza at “Tia Madre” na pinagbibidahan nina Cherie Gil at Jana Agoncillo.

Read more...