Regine muntik nang mag-backout sa ‘Yours Truly, Shirley’, minura ni Cacai

REGINE VELASQUEZ

“MINURA” ni Cacai Velasquez ang kapatid na si Regine Velasquez nang muntik na siyang mag-backout para sa Cinema 1 Originals entry na Yours Truly, Shirley.

Sa press launch kahapon ng C1 Originals film festival, sinabi ng Asia’s Songbird na ayaw na sana niyang gumawa na ng pelikula, gusto na lamang niyang kumanta dahil singer naman daw talaga siya at hindi aktres.
“Wala ako ru’n sa tamang wisyo ng paggawa ng pelikula, ewan ko, parang tinatamad ako. Parang gusto ko lang munang kumanta, anyway, I’m a singer naman talaga.

“But nu’ng ikinuwento sa akin ‘yung story, nu’ng niligawan nila ako (production team), parang I got very interested with the character, and so I accepted it,” sagot ng Songbird nang tanungin kung naimpluwensiyahan ba siya ng asawang si Ogie Alcasid na bumida at nagka-award pa sa indie movie na “Kuya Wes”.

Ani Regine, bago raw mag-start ang shooting nila para sa “Yours Truly, Shirley” ay parang ayaw na niyang gawin ang pelikula.

“Kasi nga nai-stress ako. Parang ‘gusto ko ba talagang gawin ‘to?’ Sabi ko sa kapatid ko (Cacai, manager din niya), ‘Pwede bang mag-backout?’ Ayun, minura niya ako, salamat sa kapatid ko,” pahayag pa ni Regine.

Biro pa nga ni Regine, natakot daw siya sa kapatid kaya itinuloy na niya, “No, but meron akong ganu’n na minsan, hindi ako sure kung gagawin ko ba talaga. But nun’g ginawa ko na, first day pa lang, na-enjoy ko na ulit ‘yung buong proseso ng paggawa ng pelikula.

“And so, the whole two weeks for me was very enjoyable, and I’m happy na nagawa ko siya, na-experience ko siya,” sey pa ni Regine.

Siguradong matutuwa naman ang mga fans ng Songbird dahil mapapanood na uli siya sa big screen.

Looking forward na ang Reginians sa Yours Truly, Shirley na una niyang pagsabak sa indie movies.

Ito’y mula sa direksyon ni Nigel Santos kung saan makakasama rin sina Denise Padilla at Hashtags Rayt Carreon. Magkakaroon ito ng premiere night sa Nov. 10 sa Trinoma Cinema.

Magsisimula na ang Cinema 1 Originals sa Nov. 7 at tatagal hanggang Nov. 17 sa mga sinehan sa Trinoma, Glorietta, Ayala Manila Bay, Gateway at Powerplant Mall sa Makati.

 

Read more...