Alden, 3 pang tropa ng The Gift susugod sa Cavite

MIKEE QUINTOS AT ALDEN RICHARDS

Nililibot na ngayon ng cast ng Kapuso primetime series na The Gift sa pangunguna ni Alden Richards ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas bilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga manonood sa nasabing programa.

Nitong weekend ay nakisaya ang Asia’s Multimedia Star sa MassKara Festival sa Bacolod City, Negros Occidental na ginanap sa Robinsons Place Bacolod. Nakasama niya sa event sina Martin del Rosario, Mikee Quintos, Mikoy Morales at Rochelle Pangilinan.

“Every year, GMA 7, through GMA Regional TV, always looks forward to celebrate the MassKara Festival with our Kapusong Negrense. This year, we are honored to have Alden Richards leading the festivities once more,” ayon kay GMA Regional TV Vice President and Head Oliver Amoroso.

Sa darating naman na Linggo, Oct. 27, 5 p.m., susugod ang cast ng The Gift sa SM City Rosario sa Cavite para sa ilang oras ng kasiyahan at bonding session.

Siguradong maraming inihandang sorpresa sina Alden, Mikee, Thia Thomalla at Ysabel Ortega sa mga Caviteño na wala ring sawang sumusuporta tuwing gabi sa The Gift.

Samantala, sa pagpapatuloy ng kuwento ni Sep (Alden), mas titindi pa ang mga haharaping pagsubok ng binata ngayong unti-unti nang naglalabasan ang mga impormasyon tungkol sa tunay niyang pagkatao.

Kaya huwag nang bibitiw sa mas lalo pang umiinit na mga eksena sa The Gift sa GMA Telebabad after Beautiful Justice.

Read more...