PATAY ang kolumnista ng tabloid na Remate at kanyang kasama nang pagbabarilin ng armadong lalaki sa Arayat, Pampanga, Linggo ng gabi.
Nakilala ang mga nasawi bilang ang kolumnistang si Jupiter Gonzales, 52, at kasama niyang si Christopher Tiongson.
Dumadaan sina Gonzales sa Brgy. Cacutud lulan ng kanyang Nissan Almera sedan (AQA-8441) dakong alas-10:30, nang paputukan ng mga armado ang kotse, ayon sa ulat ng Central Luzon regional police.
Sumalpok pa sa plant box ang kotse, na noo’y minamaneho ni Gonzales patungo sa Olongapo-Gapan road, nang mawalan ng malay ang mga sakay nito.
Pero ayon kay Usec. Joel Egco, executive director ng Presidential Task Force on Media Security, lumalabas sa CCTV footage na hindi tinambangan sina Gonzales at Tiongson.
“Hindi siya (Gonzales) tinambangan. Pumasok sa cockpit ng kotse ‘yung suspect for about 4 minutes. Doon sila binaril sa loob ng kotse. Kakilala nila ito. Napanood po namin ang CCTV,” sabi ni Egco sa panayam sa DZBB, Lunes ng hapon.
Aniya, hindi umaandar ang kotse ni Gonzale, at nakaparada malapit sa peryahan sa Cacutud.
“Lumabas ng peryahan yung suspek, tapos pumasok sa likod ng sasakyan ni Jupiter… after that, lumabas ulit ang gunman, pumasok sa cockpit, nakapalag pa si Jupiter at nakakambyo pa. So umandar pa nang 15 meters yung kotse bago bumangga sa plant box,” ani Egco.
Si Tiongson, na agad nasawi, ay pinaniniwalaan na unang binaril nang pumasok ang gunman sa likod ng kotse.
Si Gonzales, na nagtamo ng dalawang tama ng bala, ay pinaniniwalaang “napuruhan” nang makipagpambuno sa kanya ang gunman sa driver’s seat.
Dinala pa ng mga rumspondeng pulis si Gonzales sa Arayat District Hospital, pero di siya umabot nang buhay, ani Egco.
Nagtungo si Egco at ang ilang imbestigador ng task force sa Arayat, Lunes ng umaga, para personal na magsiyasat sa insidente.
Sinabi ng opisyal na kilala na ang suspek, pero di muna mailathala ang pangalan nito hangga’t di nasasampahan ng kaso.
Una dito, sinabi ni Egco sa isang kalatas na kilala si Gonzales bilang kritiko ng iligal na sugal sa mga peryahan.
Nang makapanayam sa radyo, sinabi ng opisyal na “nalulungkot” siya dahil lumalabas na tila may kinalaman sa iligal na sugal ang pagpatay kina Gonzales at Tiongson.