RIOS kinilatis ni PACQUIAO sa MACAU

HINDI ngumiti at seryosong tinititigan ni Manny Pacquiao si Brandon Rios nang  magharap sila  sa isang press conference kahapon sa Venetian Resort sa Macau, China kung saan din idaraos ang kanilang sagupaan sa Nobyembre 24.

Kung ang inasta ni Pacquiao ang pagbabasehan sa kanilang nakatakdang sagupaan ay masa-sabing walang ipapanalo si Rios sa labang ito. Pero kailangan pang dumaan sa matinding ensayo si Pacquiao bilang paghahanda kontra Rios.

Ito ang unang laban ni Pacquiao matapos na matalo ng dalawang beses sa dalawa nitong laban noong 2012 laban kina Timothy Bradley at Juan Manuel Marquez.

“First I like to thank God for another chance in my life to fight again,” pambungad na pananalita ni Pacquiao. Hindi naman niya pinalalim pa ang kanyang talumpati bagkus ay ipinangako niya na magiging maganda ang labanang magaganap sa   Cotai Arena ng  nasabing hotel.

“It’s gonna be a good fight because Rios, he love to fight toe-to-toe. He loves action in the ring,” dagdag nito. Kontrobersyal na split decision ang tinamo ni Pacquiao kay Bradley noong Hunyo 9 upang mahubad sa kanya ang WBO welterweight belt habang mas matinding sixth round knockout ang natamo niya kontra sa determinadong si Marquez noong Disyembre 8.

“Manny’s No. 1 in m stable. I’m looking forward to getting back to work with Manny. We’ll be back on top soon,” pahayag naman ng trainer ni Pacquiao na si  Freedie Roach.

Pinasalamatan naman ng 27-anyos dating WBA lightweight champion na si Rios ang pagkakataong makasukatan ang natatanging 8-division champion ng mundo.

“I’ll be 100 percent mentally and physically ready. November 24th, you’re gonna see a new superstar rise,” may pagyayabang na pahayag ni Rios.

Mas mataas ng isa’t-kalahating pulgada si Rios kay Pacquiao at may 31 panalo sa 33 laban, kasama ang isang tabla, at 23 sa mga nakalaban ang natulog ng maaga.

Sasandal naman ang 34-anyos na si Pacquiao sa kanyang malawak na karanasan na kinatampukan ng 54 panalo sa 61 laban at 38 KOs.

“We’re gonna have an enormous crowd here. We’re gonna sell out the arena,” sabi ni Bob Arum ng Top Rank. Ang Macau  ang una sa pitong siyudad na media tour nina Pacquiao at Rios.

Dadayo rin ang dalawa sa Beijing, Shanghai, Singapore at sa Connecticut, New York at Los Angeles sa Estados Unidos.

Read more...