ALAM mo ba na maaaring magkaroon ang isang tao ng migraine dahil sa chocolate?
Ayon kay Dr. Regina Macalintal Canlas, pangulo ng Philippine Headache Society at headache master ng International Headache Society, ang mataas na MSG o monosodium glutamate ay maaaring ugat ng migraine.
Ang masarap na soup sa Chinese restaurant ay nagtataglay ng mas maraming MSG kumpara sa ibang pagkain doon kaya maaari rin itong magdulot ng migraine.
Maaari ring mag-trigger ng migraine ang red wine, cheddar, at blue cheese at nuts, nitrites na matatagpuan sa hot dogs, bacon, tocino, salami, frankfurters at maging sa caffeine.
Upang maiwasan ito ang kailangan umano ay magbago ng lifestyle, ayon kay Canlas.
Ang sobrang tulog ay maaari ring magdulot ng migraine at may mga kaso kung saan nabawasan ang sintomas ng migraine kapag kulang ang tulog.
Ang migraine ay hindi umano isang simpleng pananakit ng ulo at kabilang ito sa 48 sakit na iniuugnay sa 80 porsyento ng disability-adjusted life years o Dalys.
Ang Dalys ay ang pagsukat sa mga taon ng buhay na nawawala dahil sa mas maagang pagkamatay at mga taon na nasayang dahil sa kapansanan.
Nakakaapekto ang migraine sa isa sa bawat 10 tao sa mundo. Sa Pilipinas tinatayang 12 milyong Filipino ang may migraine.
Ang migraine ang isa sa pinakamatandang sakit ng tao. Kahit na si Hippocrates ay nakaranas nito.
Ito ay maaaring tumagal ng apat hanggang 72 oras. Sa loob ng isang buwan ay maaaring maranasan ito ng 15 araw. Tinatayang 90 porsyento ng mga nagkakaroon ng migraine ay hindi nakakapasok sa trabaho o hindi nakakapagtrabaho ng maayos, ayon sa World Health Organization.
Ayon kay Imelda Santos, chief labor employment officer ng Bureau of Working Conditions may mga kompanya na isinasama na ang migraine sa kanilang Occupational Health Program.
Makabubuti umano ang pakikipagtulungan ang mga kompanya sa mga health care professional upang mabawasan ang epekto ng migraine sa kanilang mga empleyado.
Tatlumpung porsyento ng mga taong may migraine ay mayroon ding depression.
Ang parehong may migraine ang mag-asawa, 75 porsyento ang tyansa na ang kanilang anak ay mayroon din.
Mayroon ding hormonal factor na nakakaapekto sa migraine gaya ng menstruation, ovulation at contraceptive pills.
Tatlong beses din na mas mataas ang tyansa na magkaroon ng migraine ang mga babae kumpara sa mga lalaki.
May kaugnayan din ang migraine sa physical stress, sexual activities, pagbabago ng panahon, mahabang panonood ng telebisyon, paggamit ng gadget, malakas na amoy at ingay.