MAHIGIT dalawang milyong Pilipino ang apektado ng psoriasis, kabilang na ang mga sanggol, at marami sa kanila ang hindi nabibigyan ng tama at maayos na treatment.
Ginugunita ang World Psoriasis Day tuwing Oktubre 29 upang magkaroon ng mas malawak na kamalayan ang publiko tungkol sa nasabing karamdaman.
Sinasabing dalawang porsyento ng kabuuang bilang ng mga Pinoy ang apektado ng non-infectious disease na markado ng pamumula ng balat, pangangati at pagkakaroon ng mala-kaliskis na balat, bagamat hindi sila aware dito.
Ang psoriasis ay isang klase ng pamamaga ng balat kung saan ang katawan ng isang tao ay nagkakaroon ng abnormalidad sa paggawa ng selula sa kanyang balat.
Ang proseso kasi ng pagpapalit ng balat ng isang tao ay umaabot ng 28 hanggang 30 araw u-pang tumubo at humulas sa katawan subalit sa taong may kondisyon ng Psoriasis inaabot lamang ito ng tatlo hanggang apat na araw ang pagpapalit ng balat.
Ito na ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng pangangapal at pagkakaliskis ng balat ng isang tao, at ito ang nagiging sanhi ng matinding pamamaga ng kanyang balat.
Senyales, sintomas:
1. Mapupulang patse ng balat na nababalutan ng makakapal na kulay pilak na kaliskis
2. Maliliit na kinakaliskis na batik
3. Tuyo at nagbibitak-bitak na balat na posibleng magdugo
4. Makati, mainit at makirot na pakiramdam
5. Makapal at umuumbok na mga kuko
6. Namamaga at naninigas na kasukasuan
Sanhi:
1. sobrang taas ng immune system
2. Mahinang diyeta
3. Abnormal na malilit na bituka
4. Mataas na bilang ng mga T cells sa dugo, dermis at epidermis
5. Emotional stress
6. Hormonal changes
7. Genetic
8. Kakulangan sa vitamin D.
9. Mahinang atay