NAHARANG ng mga otoridad ang dalawang sasakyang may kargang P520 milyong halaga ng shabu sa isang checkpoint sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Buñagan sa Gandara, Samar.
Sinabi ng pulisya na nakumpiska ang 88 kilo ng shabu sa isang Mitsubishi Lancer at isang Nissan Sentra ganap na alas-4:30 ng hapon noong Huwebes.
Limang suspek, kasama ang buntis na babae ang naaresto sa nangyaring operasyon na isinagawa ng pinagsanib na mga miyembro ng Eastern Visayas police at Philippine Drug Enforcement Agency.
Na-rescue ang 14-anyos na binatilyo sa isinagawang operasyon, ayon sa pulisya.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Cesar Uy, Steven Perez, Elbert Abella, Leonard delos Reyes, at Jeralou Laborte.
Pinara ng pulisya ang mga sasakyan matapos na makatanggap ng intelligence report na may ibinabiyaheng ilegal na droga sa isang hindi alam na destinasyon.
Natagpuan ang mga droga matapos ang isinagawang inspeksyon sa mga sasakyan.
Sinabi ni Samar police director Col. Andre Dizon na dinala ang mga nakumpiskang droga sa Regional Crime Laboratory Office para masuri.
Idinagdag ni Dizon na nahaharap ang mga suspek sa kasong illegal drug trafficking.